Terorismo, krimen lilipulin nina Albayalde at Galvez - Bong Go
MANILA, Philippines — Naniniwala si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na malilipol ang mga kriminal at mga naghahasik ng terorismo sa bansa sa pamamahala ng mga bagong talagang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kasabay nito, pinuri kahapon ni SAP Go sina incoming PNP Chief Oscar Albayalde at incoming AFP Chief General Carlito Galvez matapos silang italaga ni Pangulong Duterte dahil sa pagiging tapat sa serbisyo at may integridad.
Ayon kay SAP Go, mas sisigla ang kampanya ng pamahalaan laban sa terorismo at kriminalidad sa pagkakatalaga kina Albayalde na pinuno sa PNP at Galvez sa AFP.
Sina Albayalde at Galvez ay binati ni Go kasunod ng anunsyo ng Pangulo sa kanilang pagkakatalaga nitong nakalipas na linggo.
Naniniwala si Go na magiging maayos ang pamamalakad ng PNP at AFP sa pamumuno ng dalawang opisyal.
“With the years of experience they possess, I am confident that both General Carlito Galvez and Director Oscar Albayalde will be able to lead our Armed Forces and National Police,” ayon kay SAP Go.
Si Albayalde ay kapalit ng magreretirong si PNP Chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa habang si Galvez ay pinalitan si AFP Chief Gen. Rey Leonardo Guerrero.
Sinabi ni Go na dumaan sa masusing pag-aaral ng Pangulo ang pagkakapili kina Albayalde at Galvez base sa kanilang kuwalipikasyon at pagiging tapat sa tungkulin.
“They are both loyal and are men of honor and integrity. And more importantly, the President trusts them,” diin pa ni Go.
“I congratulate them and wish them all the best on their new assignments,” dagdag pa niya.
- Latest