Pagkuha ng dokumento ng newly grads, pinalilibre
MANILA, Philippines — Dahil libre na ang edukasyon sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad, isinulong sa Senado na gawin na ring libre ang pagkuha ng iba’t ibang kakailanganing dokumento sa paghahanap ng trabaho ng mga nagtapos sa tertiary education.
Layunin ng Senate Bill 1629 ni Sen. Sonny Angara na alisin na ang mga binabayarang government fees at iba pang bayarin sa pagkuha ng mga papeles na kinakailangan ng isang bagong college graduate sa kanyang pag-apply ng trabaho.
Sakaling maging batas, magiging libre na ang pagkuha ng police clearance certificate, NBI clearance, barangay clearance, medical certificate mula public hospitals, birth at marriage certificate, tax identification number, unified multi-purpose ID card, at iba pang documentary requirements na hinahanap ng mga employer sa mga aplikante.
Nasasaad pa rin sa naturang panukala na ang sakop nito ay ang mga bagong graduate na nakapagtapos ng K-12 program, nakapagtapos ng kurso sa kolehiyo o maging ng isang technical-vocational course mula sa alinmang kolehiyo, unibersidad o tech-voc institutions sa bansa.
Maging ang mga mag-aaral na naka-leave of absence at mga estudyanteng may part-time job habang nag-aaral ay sakop din ng panukalang ito.
“Ang mga Public Employment Service Office o PESO sa bawat probinsya, lungsod at munisipalidad ay dapat magsilbing one stop shop para sa mga aplikante,” ayon kay Angara.
Dahil dito, inaatasan ng SB 1629 ang PESOs na tulungan ang lahat ng first time jobseekers na makakuha ng mga kinakailangang papeles sa paghahanap ng trabaho.
PESOs din ang tutulong sa kanila sa pagpapa-enroll sa SSS, BIR, Pag-ibig, PhilHealth, at iba pa.
- Latest