9 PNPA cadets kinasuhan na
MANILA, Philippines — Sinampahan na ng kasong kriminal ang siyam na kadete matapos na masangkot sa pambubugbog sa anim na bagong gradweyt sa Philipppine National Police Academy (PNPA) nitong nakalipas na linggo.
Kinumpirma kahapon ni PNPA Director P/Chief Supt. Joseph Adnol ang pagsasampa ng kasong serious physical injury ng Cavite Provincial Prosecutor Office laban kina Cadets 2nd Class Donald Ramirez Kissing, Jem Camcam Peralta, Clint John Baguidodol, Christopher De Guzman Macalalad, Loreto Aquino Tuliao Jr., at tinukoy lamang sa mga apelyidong Delos Santos, Calamba, Coplat at Amanon.
Habang ang 21 pa sa mga PNPA cadets ay nahaharap naman sa kasong administratibo. Nabatid na 41 kadete ang iniimbestigahan sa kasong ito.
Bandang alas-5 ng hapon noong Marso 21 matapos na umalis si Pangulong Duterte at mahiwalay sa kanilang mga magulang ang mga biktima nang harangin ang anim na bagong graduate sa PNPA Maragtas Class 2018 ng mga naka-bonnet nilang underclassmen habang patungo sa kanilang barracks.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Inspectors Ylam Lambenecio, Arjay Divino, Mark Kevin Villares, Floyd Traqueña, Jan Paul Magmoyao at Arjay Cuasay.
“The suspects together with other unidentified members of the cadet corps who were wearing bonnets, masks holding pieces of hard objects, empty plastic container, shirt containing hard object, rattan, baton and other hard objects rushed and in frenzied manner mobbed and attack the six newly graduates,” kung saan nagtamo ng black eye, sunog sa balat, sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at iba pa ang mga biktima na isinugod sa PNPA Medical Dispensary.
Kaugnay nito, tinanggihan naman ni PNP Chief P/Director General Ronald dela Rosa ang alok na pagbibitiw sa puwesto ni Adnol bunga ng insidente.
“Sabi niya sa akin, ‘Sir napapahiya na ako dito, hindi ko naman talaga kagustuhan ito, nabigla lang ako na meron palang ganitong tradition na ngayon sa PNPA. Wala ito sa panahon namin kaya hindi ako nakapag-prepare. Sir I am volunteering my resignation’,” ani dela Rosa na sinabi sa kaniya ni Adnol pero hindi niya ito tinanggap.
- Latest