‘Inciting to sedition’ vs Trillanes
MANILA, Philippines — Nakitaan ng probable cause ng Pasay City Prosecutors Office para kasuhan ng “inciting to sedition” si Sen. Antonio Trillanes IV kaugnay ng naging speech ng senador na umano’y humihikayat sa militar para patayin si Pangulong Duterte.
Ibinatay ang reklamo na isinampa ng grupo ng mga abogado, sa mga naging speech ni Trillanes noong Oktubre 3, 2017.
Binanggit din sa resolusyon na pirmado ni Pasay City Prosecutor Joahna A. Gabatino-Lim ang panghihikayat umano sa publiko ni Trillanes na lumagda sa petisyon para mapababa sa pwesto si Duterte. Pinamukha rin umano ni Trillanes sa publiko na may nakaw na yaman ang Pangulo sa serye ng mga speech nito.
Inihain ang complaint nina Atty. Glenn Chong, dating Rep. Jacinto Paras at Atty. Manuelito Luna noong Nobyembre 2017.
Sa rekomendasyon ng prosecution, naniniwala ito na may nalabag na batas si Trillanes kaya’t dapat litisin ang kasong sedisyon laban sa kanya.
Inirekomenda naman ang P12,000 piyansa laban sa senador.
Nai-raffle na ang kaso sa sala ni Pasay City Metropolitan Trial Court Judge Remibel Mondia, ng Branch 45.
Pero una na itong minaliit ng kampo ni Trillanes at tinawag pang “Duterte minions” ang mga naghain nang reklamo.
Para naman kay Trillanes, hindi raw siya nasisindak sa naturang kaso.
“On the Inciting to Sedition case against me: Hindi gaya ni Duterte na duwag humarap sa kaso, haharapin ko ito,” ani Trillanes sa kanyang Twitter message.
Kung maalala bago naging senador, nakulong ng ilang taon si Trillanes dahil sa pag-aalsa laban sa gobyerno kasama ang ilang junior officers na tinagurian noon na Magdalo.
- Latest