Roque ipinagtanggol ang pagkalas ng Pinas sa ICC
MANILA, Philippines — Dinepensahan ngayong Huwebes ni Presidential spokesperson Harry Roque ang pagkalas ng Pilipinas sa kasunduan sa Rome Statute na nagtatag sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang panayam sa ANC, sinabi ni Roque na bagaman hindi nagbabago ang kanyang isip pagdating sa pagiging miyembro ng bansa sa ICC ay suportado niya ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“I acknowledge, I was at the forefront of ratifying the ICC. I was convenor for [PCICC]. I filed cases but I agree with the decision of the president,” pahayag ni Roque.
Kumalas ang bansa sa ICC kasunod ng sinasabi ng pangulo na “mapangahas” na pag-atake sa kanya at sa kanyang administrasyon maging ang umano’y balak ng ICC na ilagay siya sa ilalim ng kanilang hurisdiksiyon.
Nitong Pebrero, sinabi ng ICC na magsasagawa sila ng preliminary examination sa umano’y patayan kaugnay ng kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga.
Inihayag pa ni Roque na ang pagsasagawa ng preliminary examination ay paglabag sa “complementarity” na patakaran na nagsasabing hindi dapat nagkakasanib-sanib ang hurisdiksiyon.
“By becoming a member of the [ICC], states did not waive sovereignty but only reserve jurisdiction of the court, when domestic court is unable or unwilling, and under circumstances, there simply is no unavailability or unwillingness as far as Philippine courts are concerned,” dagdag pa niya.
Sa kabilang banda, ibang tono ang maririnig kay Roque noong 2011.
Matatandaang sinabi ni Roque sa kanyang blog noong 2011 na hindi niya pinangarap na maging miyembro ang Pilipinas ng ICC ngunit nagkamali aniya siya.
“To be candid, I never thought that membership in the ICC was possible, at least before I become geriatric,” sambit ng tagapagsalita.
“Well, it's always a pleasure to be proven wrong,” dagdag niya.
Tumayo siya bilang chairperson ng Philippine Coalition for International Criminal Court.
Samantala, magpapatuloy pa din ang mga kriminal na imbestigasyon at paglilitis sa kabila ng anunsiyo ng pangulo.
Sa ilalim ng Article 127 ng Rome Statute, maaaring kumalas ang isang estado sa pamamagitan ng isang sulat sa UN secretary-general.
Magiging epektibo din ang pagkalas isang taon matapos ang pagtanggap ng sulat.
- Latest