Digong handang buksan ang bank accounts pero…
MANILA, Philippines — Handang ipakita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bank accounts upang patunayang wala siyang itinatagong yaman ngunit tanging mga itinalaga lamang niya ang makakakita.
Sinabi ni Duterte na bubuksan lamang niya ito sa binuo niyang Presidential Anti-Corruption Commission at hindi sa lahat upang hindi gawing “fishing expedition” ng kaniyang mga kritiko.
"You want to know my bank accounts? I'll give it to you, right now. I'm not joking. I will write a letter. Or if you have siblings in the Central Bank. I will not take it against you, go on open the computer," pahayag ng pangulo kahapon.
"But if you are my rival in politics? Do not — if you want evidence, do not get it from my mouth or make me do the effort. G*** ka ba? Bakit ko gagawain sa iyo 'yan,” dagdag niya.
Muli namang nag-alok magbitiw sa pwesto ang pangulo kung lalampas sa P40 milyon ang laman ng kaniyang bank account.
“Magsobra diyan, I step down. Sige, kunin ninyo. Hindi ganun kalakas ang loob ko kung may masilip ka sa akin,” patuloy niya.
Panahon pa noon ng pangangampanya ng isiwalat ni Sen. Antonio Trillanes IV ang umano’y tagong yaman ni Duterte at ng kaniyang pamilya.
Sinabi ni Trillanes na nasa P2 bilyon ang yaman ng mga Duterte kung saan hindi ito nakadeklara.
Inimbestigahan naman ng Office of the Ombudsman ang paratang ni Trillanes ngunit kalauna’y ibinasura rin dahil sa kakulangan ng ebidensya.
- Latest