Amo ng ‘Pinay sa freezer’ naaresto na sa Lebanon!
MANILA, Philippines — Nadakip na ng Kuwaiti authorities ang mag-asawang amo ng Pinay na pinatay at isinilid sa freezer na si Joanna Demafelis, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) kagabi.
Kinumpirma ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang pagkakaaresto ng mga suspect na sina Nader Essam Assaf, isang Lebanese national at kanyang misis na Syrian national na si Mona.
Sinabi ni Cayetano na nadakip sa Lebanon sa tulong ng Lebanese authorities ang mag-asawang itinuturong responsable sa brutal na pagpatay sa 29-anyos na Pinay domestic helper na si Demafelis.
“Kuwaiti authorities requested the assistance of Interpol in locating and arresting the couple who they believed fled to Lebanon or Syria shortly after the torture and murder of Demafelis,” ani Cayetano sa kanyang statement.
“Kuwaiti authorities conveyed the arrest of Assaf to Ambassador Renato Villa during a meeting at the Ministry of Interior on Thursday,” dagdag ni Cayetano.
Magugunita na nadiskubre ang katawan ni Demafelis sa isang freezer mula sa bahay na inabandona ng mag-asawang amo sa kanilang apartment na tinatayang inabot ng may isang taon sa Kuwait.
Lumalabas sa awtopsiya na may mga sugat at pasa katawan ang nasabing overseas Filipino worker matapos na masuri ng Philippine authorites ang kanyang mga labi.
Humihingi ng hustisya ang pamilya ni Demafelis sa matinding sinapit ng nasabing OFW sa kamay ng kanyang malulupit na amo.
“Assaf’s arrest is a critical first step in our quest for justice for Joanna and we are thankful to our friends in Kuwait and Lebanon for their assistance,” dagdag pa ni Cayetano.
- Latest