Bato kay Digong: May bayag, puso at malasakit
MANILA, Philippines – Sa muling pagpapalawig ng kaniyang termino, muling sinuklian ng papuri ni Philippine National Police Director General Ronald “Bato” dela Rosa si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ako naman kahit sino siguro na pulis working under him, lahat talaga parang magnet ‘yung kanyang style of leadership. Talagang hahanga ka sa kanyang liderato na masabi mo talaga na ito lider na hinahanap natin,” sabi ni dela Rosa sa kaniyang panayam sa dzMM ngayong Biyernes.
“May bayag, puso at malasakit,” dagdag niya.
Sa Abril na sana magreretiro si dela Rosa ngunit inihayag ni Duterte ngayong linggo na muli niyang papalawigin ang pamumuno ng PNP chief dahil pinagkakatiwalaan niya ito.
“That is why the PNP (chief) now, who is supposed to retire on the 24th of April and because he enjoys my trust and confidence, I will extend his term for a little bit longer,” wika ni Duterte.
Sinabi ni dela Rosa na nagulat siya sa pahayag ng pangulo kaya naman nasira ang kaniyang mga plano para sa kaniyang pamilya kapag sana ay iniwan niya na ang kapulisan.
Sa kabila nito ay handa siyang paglingkuran ang pangulo.
“Well what do you expect from the president. He is a leader full of surprises. Mahirap basahin ang kanyang mga decision kaya nagulat ako,” sabi ni dela Rosa.
Enero pa dapat ay wala na sa serbisyo si dela Rosa matapos maabot ang mandatory retirement age na 56 ngunit hiniling ni Duterte na maglingkod pa siya ng tatlong buwan.
Hindi pa rin naman tuluyang makapagpapahinga si dela Rosa dahil pagkatapos niya sa PNP ay pamumunuan naman niya ang Bureau of Corrections.
Related video:
- Latest