‘Nagkamali ka ng binangga mo’
MANILA, Philippines — ‘Nagkamali ka ng binangga mo!’
Ito ang galit na sagot ni Davao City Mayor Sarah Duterte sa isang pahayag ni House of Representatives Speaker Pantaleon Alvarez na bahagi na ng oposisyon ang alkalde.
“Kung asshole ka sa Congress, huwag mo iyang dalhin sa Davao. Iwan mo iyan sa Maynila. Merong dapat magsabi sa Pangulo ng mga ginagawa mo. Ang lakas ng loob mong sabihing bahagi ako ng oposisyon. Antay ka bukas. Meron pa akong istorya,” sabi ng batang Duterte sa kanyang post sa kanyang Sara Zimmerman Duterte Facebook account.
Marami pang maaanghang na salita ang ipinoste ni Mayor Sara sa kanyang facebook account laban kay Alvarez na secretary general ng PDP-Laban party ng ama niyang si Pangulong Rodrigo Duterte.
Agad namang pinabulaanan ni Alvarez ang alegasyon ng anak ng Pangulo sa pagsasabing wala siyang nababanggit na anumang laban sa alkalde.
Sinabi pa ni Alvarez na maaaring may mga taong nagpaparating ng maling mensahe sa alkalde para lumitaw na meron siyang ganoong pahayag laban dito.
“Istupido ba ako para sabihin iyon? Matagal na akong hindi nagsasalita sa harap ng maraming tao,” sabi pa ng Speaker.
Samantala, sinabi ni Mayor Duterte na wala siyang planong sumapi sa PDP-Laban.
May basbas anya ng kanyang ama ang pagbuo niya ng isang lokal na partido na tinatawag na Hugpong Pagbabago at nagsasanib sa apat na gobernador ng Southern Mindanao.
Ikinalungkot din ng alkalde ang pahayag ni Alvarez na iginagalang nito ang pagbuo ng Hugpong Pagbabago o hindi issue ang unity pero itinatatwa naman ito ng komentaryo ng speaker sa political dynasty.
“Kung inaatake ng Speaker ang pagsisikap namin na gumawa ng mahalagang bagay at napapanahon sa Region 11, at ituring lang itong produkto ng political dynasties, iminumungkahi kong pagtibayin niya ang anti-dynasty law,” wika pa ng alkalde.
- Latest