Supply ng bigas masasaid na sa Abril at Mayo
MANILA, Philippines — Tuluyan nang mawawalan ng supply ng bigas ang National Food authority (NFA) sa mga susunod na buwan.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture, sinabi ni NFA na administrator Jason Aquino na pagsapit ng buwan ng Abril at Mayo ay sadsad na ang supply nila ng bigas.
Paliwanag ni Aquino, ang problema ay ang inangkat na bigas na 250,000 metric tons na pang replenish sa supply ng NFA ay darating pa lamang sa buwan ng Hunyo.
Sinabi naman ni Department of Agriculture (DA) Sec. Manny Pinol na walang dapat ipag-panic ang publiko dahil sapat ang supply sa buong bansa.
Nag-ugat umano ang kalituhan sa hindi pagkakatugma ng pahayag nilang mga taga DA at NFA.
Nilinaw naman ni Piñol na tama ang NFA sa pagsasabing kulang na ang bufferstock nila subalit tama din sila sa DA sa pagsasabing may sapat na rice supply ang buong bansa.
Niinaw pa ng kalihim na nasa 96% ang self sufficiency ng bansa sa bigas at inaasahang tataas pa ito dahil mas ganadong magtanim ngayon ang mga magsasaka.
Samantala, sinisi naman ni Aquino sa NFA council kung bakit hindi nila maitaas ang presyo ng pamimili nila ng palay na ani ng mga magsasaka
Noon pa umano nila iminungkahi sa NFA Council na itaas na ang kanilang buying price mula sa kasalukuyang 17 pesos kada kilo para makapag kumpetensiya sila sa private rice traders.
Ang problema, ibinasura umano ng NFA Council ang kanilang rekomendasyon.
- Latest