Cebu Cong. Garcia sinibak ng Ombudsman
MANILA, Philippines — Sinibak ni Ombudsman Conchita Carpio Morales si dating Cebu Governor at ngayo’y 3rd District Representative, House Deputy Speaker Gwendolyn Garcia matapos mapatunayang guilty sa kasong grave misconduct.
Bukod dito, hindi na rin pinapayagan ng Ombudsman na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno si Garcia, habang kanselado ang eligibility at retirement benefits nito.
Inatasan na ni Ombudsman Morales si House Speaker Pantaleon Alavarez na ipatupad ang kanyang kautusan laban kay Garcia.
Sa rekord, noong Hunyo 11, 2008, binili ni Garcia ang kontrobersyal na ari-arian ng Balili, isang 249,246 square meter lot na matatagpuan sa Tinaan, Naga, Cebu, na nagkakahalaga ng P98,926,800.
Napag-alaman ng mga lokal na awtoridad na ang 196,696 metro kwadrado na ari-arian ay nasa ilalim ng tubig at bahagi ng isang bakawan.
Noong Abril 2012, ang lokal na pamahalaan ay nagsagawa ng public bidding dito. Ang proyekto ay iginawad sa Supreme ABF Construction at nabayaran ng P24,468,927.66 para sa kontrata sa proyekto.
Sa pagsusuri, natuklasan ng Ombudsman na walang awtoridad si Garcia mula sa Sanguniang Panlalawigan (SP) nang pumasok siya sa kontrata sa ABF Construction. Nilabag umano ni Garcia ang Section 46 at 47 ng Administrative Code of 1987 at Section 86 ng Government Auditing Code ng Pilipinas na nagbabawal sa pagpasok sa isang kontrata ng isang public official tulad ng ginawa sa naturang proyekto.
Sa kabila nito, nanindigan si House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi nila ipatutupad ang dismissal order ni Garcia. Aniya, ang nasabing kautusan ay walang legal na basehan sa Saligang Batas.
- Latest