‘Zero budget’ sa solons na kontra Chacha
MANILA, Philippines — Tutuluyan ni House Speaker Pantaleon Alvarez na bigyan ng “zero budget” ang mga kongresistang hindi susuporta sa isinusulong na Charter Change (Chacha) ng administrasyon.
Ito ang sinabi ni Alvarez sa harap ng mga taga-Iloilo matapos na magsagawa ng oath taking sa mga bagong miyembro ng Partido ng Demokratikong Pilipino (PDP).
Ipinaliwanag muna ng Speaker ang layunin ng pagpapalit porma ng gobyerno patungo sa federalismo kung saan binanggit din niya ang pagharap ng mga dating punong mahistrado ng Korte Suprema sa hearing sa Senado noong nakaraang araw.
Ginarantiyahan din niya na sa pamamagitan ng federalismo ay aasenso na ang mga lalawigan dahil direkta na nilang mapapakinabangan ang kita ng kanilang mga probinsiya.
Subalit sa bandang huli ay sinabi ng lider ng Kamara na iyong ibang probinsya na ayaw makisama ay masi-zero budget at bagamat hindi umano siya namimilit kung ayaw sumama ay okey lang dahil ginagalang niya iyon at karapatan nila yun.
Pero igalang rin umano ng iba ang karapatan ni Alvarez na bigyan ang ibang kongresista ng zero budget.
- Latest