P500 umento sa sahod ng Caloocan ‘JOs’
Dahil sa TRAIN
MANILA, Philippines — Makaraang ipatupad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagbubuwis sa mga may ‘job orders’ (JOs) o contractual workers, dadagdagan naman ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ng P500 ang buwanang sahod ng kanilang mga tauhan na babagsak sa ganitong kategorya.
Sinabi ni Mayor Oscar Malapitan na ang P500 dagdag sa suweldo ay upang makabawi ang mga contractual employees sa ikakaltas sa kanilang buwis at sa pagtataas din ng presyo ng bilihin dulot ng mas mataas na “excise tax”.
Ipatutupad na ngayong Enero ang BIR memorandum circular 130-2016 na nakasaad na, “which arise the appropriate rate of withholding tax that will be imposed on the payment of services rendered by government personnel rendering services under a job-order arrangement.”
Ipinaliwanag ng pamahalaang lungsod na sa ilalim ng naturang memorandum, walang “employee-employer relationship” ang city hall at mga may job order na empleyado na maaaring ikategorya na nag-aalok o nangongontrata ng kanilang serbisyo.
Bubuwisan ang mga JO workers ng 3% ng kanilang tinatanggap na bayad buhat sa pamahalaang lungsod kapalit ng kanilang serbisyo. Nangangahulugan na ang isang JO employee na tumatanggap ng P10,000 bayad kada buwan ay bubuwisan ng P300.
Makakabawi naman ang JO sa dagdag na P500 buhat sa pamahalaang lungsod at sosobra pa ng P200 tulad ng pangakong ibigay ng pamahalaan sa mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dahil sa implentasyon ng TRAIN.
- Latest