‘No El’ sa 2019 posible - Alvarez
MANILA, Philippines — Posible umanong magkaroon ng “no-election” sa susunod na taon.
Ito ay kung magtatagumpay umano ngayong taon ang isinusulong na panukalang pagpapalit ng porma ng gobyerno sa federalismo.
Paliwanag ni House Speaker Pantaleon Alvarez, ngayong Enero sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso ay kanilang tatalakayin sa Kamara ang panukala at ibaba sa publiko sa pamamagitan ng referendum ngayong Mayo ang nasabing isyu kasabay na rin ng planong barangay elections.
Naniniwala naman si Alvarez na ang kongreso ay dapat vote jointly sa isyu kung paano magkakaron ng botohan ang dalawang kapulungan ng kongreso sa pag-amyenda sa konstitusyon.
Sakali naman umanong magkaroon ng kwestyon kaugnay dito ay maaaring magtungo sa Korte Suprema.
Diretsahan naman sinabi ni Alvarez na lahat ay posibleng mangyari sa 2019 kabilang na dito ang no-el scenario lalo na kapag nag-shift na sa porma ng gobyerno mula sa unitary patungo sa federal dahil magkakaroon muna ng transition government.
Ang transitory provision umano ay nakasaad sa konstitusyon kaya hindi agad-agad maaaring ipatupad kahit aprubahan pa ito sa Mayo.
Sakaling maaprubahan naman ng tao sa pamamagitan ng referendum ang panukalang federal form of government ay mas magandang ipatupad ito ng 2022 dahil tapos na lahat ng termino ng mga senador.
Sinabi pa ni Alvarez na hindi dapat mangamba ang mga senador sakaling ma-abolish ang kongreso dahil maaari naman silang tumakbo sa ibang posisyon sa ilalim ng bagong porma ng gobyerno na maitatatag.
Nauna nang sinabi ng Speaker na magiging prayoridad ng Kamara ang pagsusulong ng federalismo ngayong 2018 sa pamamagitan ng pag-convene ng kongreso bilang Constituent Assembly.
- Latest