^

Bansa

Balik Tanaw sa 2017

Pilipino Star Ngayon
Balik Tanaw sa 2017

MANILA, Philippines – Sa pagpasok sa panibagong taon ay panibagong pagsubok na naman ang kahaharapin ng bawat isa, pero bago ang lahat, kaagad muna nating tanawin ang mga naganap sa 2017 mula sa mga tagumpay, kalamidad, at trahedya na dumating sa Pilipinas.

Enero

30 - 5th Miss Universe Pageant sa Mall of Asia

Hindi man nasungkit ng ating pambatong si Maxine Medina ang korona ng Miss Universe, naging makasaysayan pa rin ang okasyon dahil ito ang ikatlong pagkakataong ginanap ang prestihiyosong pageant dito sa bansa.

 

Pebrero

3 - HTI Factory fire incident

Anim ang nasawi, habang mahigit 100 ang sugatan sa sunog na tumagal ng higit isang araw sa lalawigan ng Cavite. Sinabi ni Charito Plaza, Philippine Economic Zone Authority director-general, na umabot sa P10 bilyon ang halaga ng pinsala na aniya’y pinakamalaking pinsala as ecozone ng bansa.

21 - Tanay bus accident

Ang masaya sanang school field trip ay naging bangungot matapos mahulog ang bus na may lulang mga estudyante sa isang bangin sa Tanay, Rizal. Umabot sa 15 katao ang nasawi na pawang mga estudyante ng Bestlink College sa Novaliches.

24 - Pag-aresto kay Sen. De Lima

Inaresto si Sen. Leila de Lima dahil sa umano’y kaugnayan niya sa ilegal na droga. Nakakulong ngayon ang umano’y kauna-unahang “political prisoner” ng administrasyong Duterte sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.

 

Marso

2 – INC compound shooting incident

Inaresto ang kapatid ni Iglesia ni Cristo (INC) Executive Minister Eduardo Manalo na si Angel Manalo at 32 pang katao dahil sa illegal possession of firearms. Ito ay matapos sumiklab ang gulo at masabat ang mataas na kalibre ng baril at libu-libong bala sa Manalo compound sa lungsod ng Quezon.

15 - Unang impechment complaint kay Duterte

Inihain ni Magdalo party list Rep. Gary Alejano ang pinakaunang impeachment complaint laban kay Pangulong Duterte kaugnay ng extrajudicial killings sa gitna ng kampanya kontra iligal na droga.

 

Abril

17 - Nueva Ecija bus accident

Umabot naman sa 35 pasahero ang nasawi nang mahulog ang sinasakyang bus sa bangin sa Nueva Ecija. Hindi ito ang unang beses na may nahulog sa naturang bahagi ng kalsada ngunit ito ang pinakamalala dahil sa dami ng namatay.

26-29   30th ASEAN Summit sa Pilipinas

Idinaos sa bansa ang 30th ASEAN Summit na pinangunahan ni Pangulong Duterte at dinaluhan ng sampung miyembro ng ASEAN countries.

28 - Quiapo bombing

Naganap ang pagsabog ng isang improvised na bomba sa Quiapo, Maynila sa kasagsagan ng ASEAN summit kung saan 14 katao ang sugatan. Inako ng ISIS ang naganap na pagsabog ngunit pinabulaan naman ito ng PNP at sinabing wala itong kaugnayan sa terorismo.

 

Mayo

5 - UN Special Rapporteur bumisita sa Pinas

Ikinagulat ng gobyerno ang biglaan pagbisita sa bansa ni UN Special Rapporteur on Extrajudicial Killings Agnes Callamard na kritikal sa madugong war on drugs ni Duterte.

6  - Quiapo twin bombings

Dalawa ang patay, habang anim ang sugatan sa twin bombing sa Quiapo, Maynila. Muli namang sinabi ng mga awtoridad na hindi ang international terrorist group ang nasa likod nito.

23 – Kaguluhan sa Marawi sumiklab, Martial Law sa Mindanao

Nilusob ng ISIS-inspired Maute terror group ang Islamic City ng Marawi sa Lanao del Sur kung saan nanguha sila ng mga hostage at sinakop ang buong lungsod.

Dahil dito ay nagdeklara ng martial law si Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.

28 - P6.4-B shabu nasamsam sa Valenzuela

Natuklasan ang higit P6 bilyong halaga at 600 kilo ng shabu sa dalawang bodega sa Barangay Paso de Blas at Brgy. Ugong sa Valenzuela City. Kalaunan ay nalamang galing ito ng China at dumaan pa sa green lane ng Bureau of Customs.

 

Hunyo

2 - Resorts World Manila attack

Nasawi ang 38 katao kasama na ang gunman na nanggulo sa Casino hotel and casino sa lungsod ng Pasay.

 

Hulyo

6 - Magnitude 6.5 na lindol tumama sa Leyte

Mahigit 200 katao ang sugatan at nag-iwan ng malaking pinsala ang pagyanig ng 6.5 na lindol sa iba’t ibang parte ng Leyte.

     Pagpapatupad ng Republic Act 10913 o ang Anti-Distracted Driving Act

Ipinatupad sa buong bansa ang Anti-Distracted Driving Act na ipinagbabawal ang paggamit ng gadgets habang nagmamaneho. Nilinaw din ng mga awtoridad ang mga ipinagbabawal sa dashboard ng mga sasakyan na makasasagabal sa paningin ng nagmamaneho.

22 - Martial law extension sa Mindanao

Hiniling ni Duterte na palawigin pa ang martial law sa Mindanao ng tatlong buwan pa. Kaagad naman itong napatupad matapos mauwi ang botohan sa Kongreso na 261-18.

23 - Nationwide smoking ban

Sa ilalim ng  Executive Order No. 26, ipinatupad ang Nationwide Smoking ban na nagbabawal sa paninigarilyo sa lahat ng mga pampublikong lugar sa bansa.

24 – Ikalawang SONA ni Digong

Inihayag ni Pangulong Duterte ang kanyang mga nagawa sa loob ng isang taon at mga nais gawin pa para sa bansa. Hiniling ng pangulo sa Kongreso ang agarang pagpapasa ng death penalty sa bansa.

30 - Ozamiz drug raid

Nilusob ng mga awtoridad ang compound ni Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr. Nasawi ang alkalde, misis niya at 13 iba pa matapos umanong manlaban. Isa si Parojinog sa mga pinaniniwalaang narco-politician.

 

Agosto

11 - Avian influenza outbreak

Idineklara ng Department of Agriculture ang avian influenza virus (bird flu) outbreak sa San Luis, Pampanga kung saan halos 40,000 poultry heads ang

16 - Kian delos Santos slay case

Isa sa pinakamatunog na kaso sa kampanya laban sa ilegal na droga ng gobyerno ang pagkasawi ng 17-anyos na si Kian delos Santos. Inulan ng matinding batikos ang PNP dahil sa pagkasawi ng teenager matapos makita sa kuha ng CCTV ang tunay na pangyayari, taliwas sa pahayag ng mga pulis-Caloocan na nanlaban ang biktima.

18 - Carl Arnaiz slay case

Muli na namang naging sentro ng usapan ang Caloocan City dahil sa pagkamatay ng isa na namang teenager na si Carl Arnaiz. Matapos ang 10 araw na pagkawala, natagpuan si Arnaiz sa naturang lungsod. Napatay ang biktima matapos umanong mangholdap ng isang taxi.

Pinaghahanap naman si Reynaldo “Kulot” de Guzman na kasama ni Arnaiz na nawala mula sa Cainta, Rizal.

19 - SEA Games

Muli namang nakapag-uwi ng karangalan ang mga atletang Pilipino sa ginanap na Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

 

Setyembre

6 – Tadtad ng saksak, bangkay ni Kulot natagpuan sa Nueva Ecija

Nakita ang palutang-lutang na bangkay ni de Guzman sa isang ilog sa Gapan, Nueva Ecija. Tadtad ng saksak ang katawan ng 14-anyos na biktima na nakabalot pa ng packaging tape ang buong ulo.

7 – Pulong Duterte dumalo sa Senate hearing

Dumalo ang anak ni Pangulong Duterte na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at kanyang bayaw sa imbestigasyon ng senado sa P6.4 bilyon shabu shipment na dumaan sa Bureau of Customs (BOC).

Itinanggi ni Pulong na siya ang nasa likod ng shabu shipment mula China. Nagkainitan din sila ni Sen. Antonio Trillanes na pinaratangan siya na miyembro ng isang triad.

12 - P1,000 budget ibinigay sa Commission on Human Rights

Inulan ng batikos ang Kamara matapos bigyan ng P1,000 na pondo ang Commission on Human Rights para sa susunod na taon. Marami ang nagalit dito, kabilang ang ilang mga senador.

17 – Aegis Juris hazing

Patay ang isang freshman law student ng University of Santo Tomas sa pinaniniwalaang hazing. Nasawi si Horacio “Atio” Castillo sa kamay ng Aegis Juris Fraternity na nagsagawa ng initiation rites.

 

Oktubre

12 – Comelec chair Bautista nagbitiw

Nagbitiw si Comelec Chairman Andres Bautista matapos masangkot sa isyu na ikinalat ng kaniyang asawa na nauwi sa pagkakasalang niya sa impeachment trial.

16 – Hapilon, Omar Maute utas

Matapos ang ilang buwang bakbakan sa Marawi City ay napatay na rin sa wakas ng mga awtoridad sina Isnilon Hapilon at Omar Maute na nasa likod ng kaguluhan sa lungsod.

17 – Marawi free city

Kasunod ng pagkasawi nina Hapilon at Mauter ay idineklara ni Pangulong Duterte ang pagkakalaya ng Marawi City  mula sa terorismo.

 

Nobyembre

4  - Pinas nasungkit ang korona ng Miss Earth

Itinanghal bilang Miss Earth 2017 ang Philippine bet na si Karen Ibasco upang dumagdag sa napakahabang listahan ng beauty queens ng bansa.

5 - Miss Reina Hispanoamericana

Sa unang pagkakataon ay naiuwi ng Pilipinas ang titulo ng Miss Reina Hispanoamericana matapos ang tagumpay ni Winwyn Marquez. Siya ang kauna-unahang Pilipino at Asyano na sumali sa pageant.

10-14 – 31st ASEAN Summit sa Pilipinas

Dumating ang iba’t ibang pinuno ng bansa sa Pilipinas kabilang si US President Donald Trump para sa 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN ) Summit and Related Summits.

 

Disyembre

6  - Miss Tourism International

Kinoronahan bilang Miss Tourism International 2017 ang pambato ng Pilipinas na si Jannie Loudette Alipo-on.

Dengvaxia controversy

Inimbestigahan ang dengue immunization program matapos malaman ang dalang panganib ng bakunang Dengavaxia. Dinaluhan ni dating Pangulo Benigno Aquino III ang pagdinig ng Senado.

20 - Pananalasa ng bagyong Vinta

Mahigit 200 katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Vinta sa iba’t ibang parte ng bansa ilang araw bago ang Pasko. Bago nito ay nanalasa rin ang bagyong Urduja.

23  - Sunog sa NDCC Mall sa Davao

Patay ang 38 katao matapos ma-trap sa nasusunog sa mall saDavao City. Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpaabot ng malungkot na balita sa pamilya ng mga biktimang pawang mga call center agents.

25  - Bus, jeep nagsalpukan sa La Union

Trahedya ang sumalubong sa araw ng Pasko matapos magsalpukan ang isang bus at jeep sa Agoo, La Union kung saan 20 kataong patay, habang 24 sugatan. Lumabas sa imbestigasyon na kinuha ng jeep ang lane ng bus.

25 – Pulong nagbitiw

Nagbitiw si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte sa kanyang posisyon. Delicadeza umano ang nagtulak sa presidential son na bumaba sa pwesto dahil sa kontrobersya na inabot kabilang ang shabu shipment.

 

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with