Lungsod sa Mindanao target ng bagong terror attack
MANILA, Philippines — Mayroong plano ang teroristang grupong konektado sa Maute at Abu Sayyaf Group na umatake sa isang lungsod.
Sinabi ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar kahapon na ito ay base sa isang intelligence report na planong pag-atake ng Daulah Islamiyah sa isang city sa Mindanao.
Ayon kay Andanar, patuloy ang recruitment ng nasabing terrorist group para sa ilulunsad nilang pag-atake.
“So ang balita ay lumakas ang kanilang pagre-recruit sa Mindanao. Ang problema nito, may mga intelligence report na nagpaplano silang umatake sa isa pang siyudad,” pahayag pa ng PCOO chief.
Magugunita na inirekomenda ng PNP kay Pangulong Duterte na palawigin pa ng isang taon ang pag-iral ng Martial Law sa Mindanao.
Bukod sa Daulah Islamiyah ay naririyan pa rin ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Abu Sayyaf na banta sa seguridad sa Mindanao.
Aniya, banta pa rin sa seguridad ang New People’s Army kaya iminungkahi ng PNP ang pagpapalawig sa Martial Law.
Ayon naman kay acting AFP spokesperson Col. Edgard Arevalo, na wala silang natatanggap na confirmation sa nasabing ulat subalit sa ngayon umano ay hayaan na lamang muna silang ikumpara ang nasabing report sa kanilang sources of information.
Ang masasabi lang umano nila ngayon ay mayroon silang mga nakalatag na stringent measures para ma-check ang mga foreign at local terrorists.
- Latest