‘Oplan Iwas Paputok’, inilunsad ng DOH
MANILA, Philippines — Bunsod ng papalapit na Kapaskuhan at Bagong Taon, target ngayon ng Department of Health (DOH) na makapagtala ng zero incident ng mga firecracker-related injury sa pagdaraos ng holiday season.
Ginawa ng DOH ang anunsyo sa paglulunsad ngayong araw na ito ng kampanyang “Oplan:Iwas Paputok, Fireworks Display ang Patok! Makiisa sa Community Fireworks sa Inyong Lugar.”
Sa bisa ng Executive Order no. 28 o ang mas pinahigpit na panuntunan sa paggamit ng mga paputok, umaasa ang DOH na magiging tagumpay ang kanilang kampanya.
Sa ilalim ng Executive Order, pinapayagan lamang ang paggamit ng paputok sa mga community fireworks display para mabawasan ang panganib ng mga nasusugatan dahil sa paputok.
Samantala, hinimok naman at iginiit ng environmentalist Ecowaste coalition ang publiko na gumamit na lamang na alternatibong pampa-ingay imbes na gumamit ng paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon na nagdudulot ng pinasala at panganib sa tao, hayop, at kapaligaran.
Sinabi ng grupo na mas mainam na gumamit na lamang ang publiko ng mga alternatibong pampaingay at pampasaya imbes na gumastos sa mga paputok na posibleng maging mitsa pa ng buhay.
“Ang mga tansan ay maaaring pitpitin at gawing tambourine, ang mga lata ay puwedeng lagyan ng mga bato o buto upang maging maracas, ang mga takip ng kaldero ay pwedeng gawing simbalo o cymbals, ang alkansya ay maaaring pakalansingin at, siyempre, may mga mabibiling torotot na pwedeng hipang at patunugin” ayon sa grupo.
- Latest