2-day transport strike ikinasa sa December 4 at 5
MANILA, Philippines — Muling ikinasa ng alyansa ng mga tsuper ang dalawang araw na nationwide strike sa lahat ng Public Utility Jeepneys (PUJs) sa darating na Disyembre 4 at 5 bilang pagtutol sa jeepney phaseout na ipatutupad ng pamahalaan sa Enero ng susunod na taon.
Iginiit ni George San Mateo, convenor ng No to Jeepney Phase-out Coalition (NTJOC) at national president ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na hindi sila patitinag sa bantang “crackdown” ng administrasyon ni Pangulong Duterte sa darating na Enero 1, 2018.
Una nang inihayag ng DOTr na sisimulan na epektibo Enero 1, ang paghatak sa mga pumapasadang lumang mga PUJs.
Iginiit ni San Mateo na hindi sila naniniwala na ang Department Order 2017-011 ay hakbang para sa “Jeepney modernization” kundi isa umano itong “malaking negosyo” at balon ng korupsiyon ng gobyerno.
Nabatid na apektado sa isinusulong na jeepney modernization ang may 250,000 operators at 600,000 jeepney driver na posibleng mawalan ng pagkakakitaan.
Sinabi ni San Mateo na ang mga driver at jeepney operators ay walang malaking halaga ng salapi na agad-agad magagastos para ipambili ng milyones na jeep na ipampapalit sa mga jeep na aalisin sa kalsada.
Wala rin anyang nakaakmang pautang ang gobyerno sa mga maapektuhan ng phaseout na dapat bigyang pansin ng pamahalaan para makabili ng bagong jeep.
Ang nasabing transport strike ay ika-apat na protesta nang inilunsad ng grupo kontra jeepney phaseout.
Noong nagdaang buwan ay nagsuspinde ng pasok sa klase at trabaho ang Malacañang dahil sa inilunsad na 2 araw na tigil pasada ng Piston.
- Latest