Mga abogado ni CJ Sereno ‘di papopormahin sa Kamara
MANILA, Philippines — Pagsasarahan ng pinto ng Mababang Kapulungan ng Kongreso o Kamara ang mga abogado ni Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay sa impeachment case ng Punong Mahistrado.
Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, walang “business” ang mga abogado ni Sereno na dumalo sa pagdinig bukas o Miyerkules dahil hindi sila ang kailangang humarap kundi mismong ang pinai-impeach.
Nagbabala si Alvarez na kung iisnabin ni Sereno ang summons na kanilang ipinadala para sumipot sa pagdinig sa Kamara, haharangin niya ang mga abogado ng huli na pupunta sa committee hearing.
“If Sereno ignores our summons, we will continue with the committee hearing. We will consider the evidence, all the official documents, as we will be the prosecutor in the impeachment case in the Senate,” ani Alvarez sa isang radyo interview.
Kung wala rin lang umano si Sereno ay walang karapatan ang mga abogado nito na pumasok at sumaksi sa hearing dahil wala rin naman silang gagawin kundi ang mag-miron at magpa-interview lamang.
“I will not allow her lawyers to appear at the committee hearing. They have no business being there. They’re not the ones being impeached,” giit ni Alvarez.
Dahil dito, hinamon ni Speaker ang mga abogado ni Sereno na dalhin bukas ang Punong Mahistrado sa hearing para siya mismo ang mag-cross examine sa mga saksi.
Kung lalabas umano na hindi marunong ang Punong Mahistradona mag-cross examine ay saka lamang niya papayagan ang kanyang mga abogado na gumawa nito.
Samantala, hinikayat naman nina Deputy Speakers Sharon Garin at Gwen Garcia si Sereno na personal na ibigay sa mga kongresista ang kanyang panig.
Giit ni Garin, hindi dapat magtago sa teknikalidad ang CJ dahil pagkakataon na niya ito para ilatag ang sariling depensa sa Kamara para patunayan na walang basehan ang mga alegasyon sa kanya ni Atty. Larry Gadon na naghain ng impeachment case.
- Latest