^

Bansa

59K security contingent sa ASEAN Summit kasado na

Ludy Bermudo at Doris Franche-Borja - Pilipino Star Ngayon
59K security contingent sa ASEAN Summit kasado na

Nagpalipad ang Philippine Air Force ng mga helicopters na nagpapakita ng kanilang kahandaan para sa aerial security at monitoring sa idinaos na “send-off” ceremony ng mahigit 59,200 security contingent mula sa PNP,  AFP at iba pang ahensya ng pamahalaan sa Quirino Grandstand kahapon bilang paghahanda sa gaganaping 31st ASEAN Summit and Related Meetings sa Nobyembre 10-16 sa Pampanga at Manila. Edd Gumban

MANILA, Philippines — Handang-handa na ang pamahalaan sa ipa­tutupad na seguridad sa nakatakdang pagdaraos ng ika-31 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at East Asia Summit sa Pilipinas sa susunod na linggo matapos na isagawa sa Quirino Grandstand sa Luneta ang “send-off ceremony” para sa may 59,276 security contingent mula sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Phi­lippines (AFP) at iba pang ahensya ng pamahalaan kahapon.

Alas-7:00 ng umaga nang simulan ang sere­monya sa pamamagitan ng banal na misa na sinundan ng pagpapailaw ng blinkers ng mga sasakyan at pagpapatunog ng sirena ng mga mobile na gagamitin sa summit.

May makulay na wa­ter canon salute ang Bu­reau of Fire Protection (BFP) habang isang demonstras­yon naman ang ipinamalas ng Civil Disturbance Management ng PNP sakaling sabayan ng mga rally ng mga aktibista ang summit.

Dinaluhan ang pagtitipon nina Exec. Sec. Salvador Medialdea, National Security Adviser Hermogenes Esperon, Interior and Local Government officer-in-charge Catalino Cuy, PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa at iba pang opisyal.

Sa idinaos namang press briefing, tiniyak ni Cuy, tumatayong chairman ng ASEAN Committee on Security, Peace and Order, Emergency Preparedness and Res­ponse na nakalatag na ang mahigpit na seguridad na inihanda nila laban sa lahat ng posibleng physical at cyber threats laban sa summit.

Plantsado na rin ani­ya ang “stop and go scheme” na ipatutupad ng Metro Manila Development Authority sa North Luzon Expressway (NLEX) tuwing daraan ang convoy ng ASEAN delegates pa­punta at pabalik mula sa Clark International Airport sa Pampanga, kung saan lalapag ang mga delegadong dadalo sa summit.

Magkakaroon rin aniya ng “lock down” sa mga lugar kung saan magpupulong ang mga dele­gado, gayundin sa mga hotel na tutuluyan ng mga ito, bagama’t wala namang plano na i-jam ang signals, tulad nang ginawa noong dumalaw sa bansa si Pope Francis.

Ayon kay Cuy, hindi naman na bago sa Pilipinas ang magbigay ng mahigpit sa seguridad sa mga mahahalagang international events, tulad na lang ng 2015 Papal Visit, APEC meetings at maging ang Miss Universe.

Gayunman, hindi aniya dahilan ang mga tagum­pay na ito upang maging kampante sila at sa halip ay dapat pang magsilbing hamon para mapantayan pa o di kaya’y malagpasan pa ang mga naturang accomplishments.

Samantala, nanawagan naman sa publiko si ASEAN 2017 National Organizing Council head Marciano Paynor, partikular na sa mga motorista na huwag nang subukang harangan o sabayan ang ASEAN convoy upang hindi makaabala.

Nauna rito, idineklara ng Malacañang na special non-working days ang Nobyembre 13 hanggang 15 sa Metro Manila, Bulacan at Pampanga dahil sa ASEAN summit habang una na rin namang sinuspinde ng Metro Mayors ang mga klase sa lahat ng antas sa Metro Manila sa Nobyembre 16 at 17 dahil pa rin sa naturang mahalagang pagtitipon.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with