New York terror attack: 8 patay, mga Pinoy ligtas
MANILA, Philippines — Muling ginulantang ng terrorist attack ng Islamic State (IS) ang Estados Unidos matapos araruhin ng truck ng nag-iisang lalaking terorista ang maraming tao sa bike lane bago nito ibinangga sa isang school bus na ikinasawi ng walo at ikinasugat ng 11 iba pa sa Manhattan, New York City.
Kinumpirma ni Foreign Affairs Spokesman Robespierre Bolivar na sa kabila ng insidente ay walang Pinoy na napabilang sa mga nasawi o nasugatan.
Nagpalabas na rin ng abiso si Consul General Maria Theresa Dizon-De Vega at pinapayuhan ang mga Pinoy sa New York na mag-ingat at iwasan muna ang tumungo sa Chamber at West Street sa Lower Manhattan na nananatiling naka-lock down habang nagsasagawa ng pagsisiyasat ang Manhattan authorities.
Pinaalalahanan din ang mga Pinoy na lalahok sa taunang Halloween Parade na malapit sa World Trade Center ng Martes ng gabi (oras sa New York) na panatilihin ang ibayong pag-iingat, maging alerto at mapagbantay sa kanilang paligid.
Ayon kay De Vega, umaabot sa 124,000 ang kabuuang Pinoy sa buong estado ng New York at halos kalahati sa mga ito ay nakatira sa New York City.
Samantala kakaunti lamang sa mga kababayan ang nasa Manhattan area dahil may kamahalan ang cost of living.
Base sa ulat, mabilis na pinaharurot ng isang lalaki ang inupahang pick-up truck at saka inararo ang mga tao sa bike lane bago ibinangga sa isang school bus.
Sa pagresponde ng pulisya, isang suspek na Uzbekistan national na nakilalang si Sayfullo Habibullaevic Saipov, 29, ang kanilang nabaril at nagtamo ng tama ng bala sa tiyan.
Narekober ng pulisya sa loob ng truck ng suspek ang ebidensya sa planong pag-atake sa ngalan ng IS militants.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang Malacañang sa pamamagitan ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa US at pamilya ng mga biktima kasabay ng pagkondena ng Pilipinas sa terrorist attack.
- Latest