Militar umani nang papuri
Sa pagkakapatay kina Hapilon at Omar Maute
MANILA, Philippines — Binati kahapon ng Malacañang ang lahat ng magigiting na sundalong naging bahagi ng operasyon sa Marawi City sa matagumpay na pagkakapaslang kina Omar Maute at ISIS Emir Isnilon Hapilon sa Marawi City kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Presidential Communications Sec. Martin Andanar, muling umanong nahayag ang malasakit at pagtupad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga ipinangako sa tagumpay ng militar na mapaslang sina Omar Maute at Isnilon Hapilon sa Marawi City.
“Ang tagumpay na ito ay nagpapakita lamang na totoo ang pangako ng Pangulo na dadalhin nito ang kapayapaan at kaunlaran sa mga taga-Mindanao,” ani Sec. Andanar.
Sa ngayon, itutuon na aniya ng pamahalaan ang pansin sa rehabilitasyon at rekonstruksyon sa Marawi sa oras na matapos ang clearing operations ng militar upang maging kabahagi na ang lungsod sa patuloy na pag-unlad ng buong bansa.
Bukod sa Palasyo, umani ng papuri mula sa mga senador ang militar sa pagkakapatay Hapilon at Omar.
Ayon kay Senator Juan Miguel Zubiri, dapat lamang na papurihan ang lahat na kasali sa military at police operations sa Marawi City kabilang na ang mga civilian intelligence assets.
Ayon pa kay Zubiri, inabot ng dalawang taon bago nabawi ng Russian forces ang Mosul sa Syria pero sa loob lamang ng limang buwan ay nabawi ng militar ang Marawi City mula sa mga terorista.
Sinabi naman ni Senator Gregorio Honasan na bagaman ay napatay na sina Hapilon at Omar Maute, hindi pa rin maituturing na tapos na ang labanan.
Pinuri rin ni Senator Antonio Trillanes ang militar sa pagkakapatay sa dalawang lider ng Maute group. Aniya, nangangahulugan ito ng pagtatapos ng kaguluhan sa Marawi City.
- Latest