Solano sumuko na!
MANILA, Philippines — Sumuko kahapon kay Senator Panfilo “Ping” Lacson si John Paul Solano, isa sa sinasabing pangunahing suspek sa pagpatay kay Horacio Tomas ‘Atio’ Castillo III, sa isinagawang frat hazing.
Si Solano ang nagdala sa ospital kay Castillo na itinuring namang pangunahing suspek sa krimen.
Isinuko ni University of Santo Tomas (UST) Civil Law Dean Nilo Divina kay Lacson si Solano na idineretso naman sa Manila Police District.
Ayon kay Solano ang naging partisipasyon lamang niya sa nangyari ay ang magbigay ng medical assistance at wala siya nang mangyari ang hazing.
“More or less my participation is to give medical assistance…No. I wasn’t there,” pahayag ni Solano matapos sumuko kay Lacson.
Inamin ni Solano na tinawagan siya ng mga kasamahan dahil sa kondisyon ni Castillo na nangangailangan ng medical assistance.
“My involvement is to give medical assistance…because they were in chaos that time. I was there to give medical assistance. I am a medical health provider so more or less they would call me,” ani Solano.
Nang tanungin kung ano ang lagay ni Castillo ng makita niya, sinabi ni Solano na “half dead” na ito. Pero nilinaw rin niya na hindi siya maaring magbigay ng ‘final verdict’ dahil hindi naman siya isang doctor.
“More or less he is half dead. I can’t give final verdict that he is dead because I am not a doctor. He is unconscious. I did give CPR and then when I can’t do anything else I brought him to the hospital,” sabi ni Solano.
Itinanggi ni Solano na siya ang nag recruit kay Castillo na dalawang beses lamang umano niyang nakita.
“No (hindi nag recruit). I was not a law student right now. I don’t know him. We only met just twice. The first time is when he told his name, second when the incident happened,” ani Solano.
Humingi rin ng tawad si Solano sa pagbibigay ng maling impormasyon sa pulisya.
“First and foremost I would like to apologize for giving a false statement for that matter to the family of Atio and also for the death of their son,” ani Solano.
Nangako si Solano na tutulong sa pabibigay ng linaw sa kaso ni Castillo.
“Actually it’s getting worse. We can say It’s getting worse. I want to clear my name because I know myself I am innocent,” ani Solano.
Mula naman sa tanggapan ni Sen. Lacson sa 32nd st., sa Bonifacio Global City sa Taguig, kung saan sumuko si Solano ay sinundo siya ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa pangunguna ni Senior Inspector Rommel Anicete at habang isinusulat ang balitang ito ay nasa kustodiya siya ng MPD-Homicide Section.
Nakasuot ng kulay itim na t-shirt kulay gray na jacket at kulay gray din na bullcap si Solano na idinaan sa likod ng gate ng MPD upang makaiwas sa dami ng media na nag-aabang sa main gate.
Sa pahayag ni MPD spokesman Supt Erwin Margarejo, isasalang sa medical check-up si Solano, booking procedure, mug shot at fingerprint si Solano bago ito isailalim sa inquest proceedings sa reklamong perjury at paglabag sa Anti-HazingLaw.
- Latest