Pari, 1 pa na-rescue sa Maute
MANILA, Philippines — Na-rescue na umano ng tropa ng pamahalaan si Father Chito Suganob kasama ang isa pang bihag sa kamay ng Maute-ISIS group sa Marawi City.
Ipinabatid kay Presidential Peace Adviser Jess Dureza ng kanyang staff na naka-base sa Iligan City na kabilang ang pari at isang guro sa nailigtas ng mga sundalo noong Sabado ng gabi sa Bato Mosque.
“For info sir father Chito Suganob together with one other was rescued by troops near Bato mosque at ooa 162300hsept2017. This is the 2nd grand mosque in Marawi that has been taken over by our troops. To those who would wish to get more details, pls wait for the official announcement coming from the AFP and or the Palace in order not to jeopardize the ongoing mil operations,” bahagi ng Facebook post ni Dureza.
Nabatid na napilitan ang teroristang grupo na abandonahin ang Bato Mosque sa Marawi City, isa sa tatlong stronghold ng kalaban na nabawi ng gobyerno sa nakalipas na mga araw, dahil sa pinaigting na operasyon ng militar.
Si Suganob, ang vicar general ng Cathedral ng Our Lady Help of Christians, ay kabilang sa dinukot ng Maute group noong Mayo 23.
Ginawa umanong tagaluto, taga-silbi, taga-buhat ng mga baril at taga-gawa ng bomba si Suganob, noong nasa mainit pa na engkuwentro ang war zone ng Marawi City.
Sa ngayon aniya ay hinihintay pa rin nila ang official report sa pagkakasagip sa mga bihag.
Iginiit naman ni Col. Edgard Arevalo, chief ng AFP Public Affairs Office, na patuloy pa rin nilang bina-validate ang impormasyon hinggil sa pag-rescue kay Suganob.
“We are still validating that information. As of now, we cannot still give details. The rescue operation is still ongoing,” saad ni Arevalo.
Sa kasalukuyan ay inilunsad na ng militar ang kanilang final push patungo sa Marawi Battle Area.
Sa pinakahuling datos ng AFP noong Setyembre 14, kabuuang 670 Maute ang napatay, 147 sa panig ng militar at 47 sibilyan habang 692 armas ang narekober.
Hinikayat naman ni AFP Chief Gen. Eduardo Año ang mga natitira pang miyembro ng Maute lalo na ang mga bihag na umanib sa mga terorista na makipag-ugnayan sa militar para kusang sumuko habang may pagkakataon pa sila.
- Latest