Anti-red tape bill aprub sa Senado
MANILA, Philippines - Pasado na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Senado ang panukalang batas na “anti-red tape” na naglalayong mapabilis ang mga transaksyon at mabawasan ang mga requirements ng mga nag-aaplay sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Ang Senate Bill No.1311 o “Expanded Anti-Red Tape Act of 2017” ay naaprubahan matapos na makakuha ng 17 affirmative votes, zero negative vote at walang abstention. Ang panukalang batas ay inisponsoran ni Senator Juan Miguel Zubiri, chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship at nagsilbing co-sponsor si Senate President Pro-Tempore Ralph Recto.
Ayon kay Zubiri, sa panukalang Expanded Anti-Red Tape Act of 2017, ito ay humihingi na maamyendahan ang umiiral na Anti Red Tape Act of 2007 (Republic Act 9485) upang “magamot” ang mga depekto sa kasalukuyang sistema ng gobyerno na karaniwang tinatamaan ay ang business community.
Sinabi pa ni Zubiri na layunin ng bill na mabawasan ang “red tape at ma-promote ang “transparency” ng gobyerno pagdating sa business registrations at iba pang transaksyon mula sa publiko.
Ang mabilis na pag-apruba sa naturang panukala sa Senado ay bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Duterte sa huling State of the Nation Address (SONA) na putulin ang red tape sa gobyerno.
- Latest