Mga bala sa Government Arsenal ibinebenta sa Maute
MANILA, Philippines - Sariling bala umano mula sa Government Arsenal na ibinebenta sa Maute ang pumapatay sa mga sundalo sa Marawi City.
Dahil dito, inatasan ni House Appropriations Committee Chairman Rep. Carlo Alexei Nograles si Defense Secretary Delfin Lorenzana na masusing imbestigahan ang nasabing nakakaalarmang report at panagutin ang mga may sala.
Ang krisis sa Marawi City ay nasa ika-85 araw na kahapon at umaabot na sa 128 ang bilang ng mga nasawing sundalo habang 562 ang Maute at 45 ang mga sibilyan.
Sinabi ni Nograles na lumilitaw na galing sa government arsenal o ang ammunition plant sa Bataan ang mga balang ginagamit ng Maute gayundin mula sa mga pribadong armas at ammunitions manufacturers.
“The worst thing that we can have is magkaroon tayo ng mga ganitong encounter (in Marawi) tapos ang ginagamit na bala ng mga kalaban ay galing sa government arsenal,” ani Nograles.
Sa pagharap ni Defense Secretary Lorenzana sa panukalang P144.7 bilyon pondo ng DND sa 2018, hindi itinanggi ni Lorenzana na may mga bala na ginagamit ang Maute na galing sa government arsenal sa Bataan base sa mga markings na narekober ng tropa ng militar sa battle zone.
Aminado naman si Lorenzana na ang mga kahon ng mga bala na may tatak na Armscor Philippines ay kabilang sa nasamsam ng mga sundalo sa clearing operations. Ang Armscor Philippines ay isang local gun and ammunition manufacturer, dealer at importer.
Inihayag naman ni Government Arsenal Chief ret. Major Gen. Jonathan Martir na hindi nila mamomonitor ang distribusyon ng mga bala ng Government Arsenal sa Bataan plant matapos itong maipasa sa AFP Logistics Command.
Sinabi ni Nograles na lubhang nakakalungkot ng makita niya ang mga larawan ng mga kahon-kahon ng mga bala na inisyu ng DND matapos itong mapunta sa maling mga kamay na siya pang pumatay sa mga sundalo ng pamahalaan.
- Latest