Blue alert sa Guam
MANILA, Philippines - Inaprubahan ni Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang rekomendasyon ni Consul General Marciano de Borja na itaas sa blue alert level ang sitwasyon sa Guam sa gitna ng banta na missle attack ng North Korea.
Nagpalabas na kahapon si Cayetano ng alert level 1 (blue alert) para sa konsulado sa Guam at Northern Marianas islands.
“Ibig sabihin nito, nagbabago pa rin ang sitwasyon at ang mga Pilipino roon ay hinihikayat na masusing imonitor ang mga balita sa mga mapapanaligang media outlet at official advisories mula sa pamahalaan ng Guam at ibang US authorities at sa Philippine Consulate sa Guam,” paliwanag ni DFA spokesman Robespierre Bolivar.
Siniguro naman ni Cayetano kahapon sa media interview na may nakalatag na contingency plan ang embahada at consulate para sa mga Pilipino na nasa South Korea at Guam.
Pinayuhan din ni Cayetano ang mga Pilipino sa Guam na magdasal na sana huwag ituloy ng Nokor ang kanilang bantang missile attack.
“Magkakaroon tayo ng scenario kung saan itong consulate natin ay bukas para puntahan ng kababayan natin o kami [ay] pwede ba kami magtrabaho dito,” wika ni consul-general de Borja.
Naglaan ng isang bagong bahay sa Tamuning Village bilang temporary shelter ng mga Pinoy sa Guam sa sandaling ituloy ng Nokor ang banta nito.
Hinikayat naman kahapon ng Malacañang ang mga Pilipino sa Guam at Korea na mag-report sa mga consular officials sa mga nasabing bansa o kaya ay sa Department of Foreign Affairs upang ipaalam ang kanilang kinaroroonan.
Mayroong 162,896 katao ang populasyon ng Guam habang tinatayang nasa 43,000 ang bilang ng mga OFW na naroon
Ipinagdasal naman ng mga miyembro ng Philippine National Police na magkaroon ng pagkakaisa ang Estados Unidos at North Korea.
Sa ginanap na regular flag raising ceremony sa Camp Crame kahapon ng umaga, sinabi ni Sr. Supt. Eligio Mativo, director ng Chaplain Service ng PNP, na dinadalangin nila na mamagitan at basbasan ng Panginoon ang hidwaan ng Amerika at Nokor.
- Latest