National ID may pondo na
MANILA, Philippines - Naglaan na ng pondo ang House Appropriations Committee para sa panukalang Filipino Identification System (FilSys).
Sinabi ni Committee Chairman at Davao City Congressman Karlo Alexei Nograles, naaprubahan na sa kanyang komite ang FilSys kaya maaari na itong talakayin sa plenaryo ng Kamara para sa alokasyon ng budget at wala ng dahilan para mabinbin ang pagpasa ng nasabing panukala.
Paliwanag pa ng kongresista na mahalagang magkaroon ng National Identification (ID) System sa bansa sa harap na rin ng banta sa national at global security.
Giit ni Nograles, kung mayroong pinanghahawakang ID ang bawat Filipino ay agad na matutukoy kung sino ang law abiding citizens sa mga lawless elements.
Tiwala rin ang kongresista na papasa sa kongreso at aani ito ng suporta sa Senado at para mapalakas din ng bansa ang paglaban sa terorismo at kriminalidad.
Ang FilSys ay isang machine-readable identification cards na nagtataglay ng multiple data na maaaring magamit hindi lamang para sa pagkakakilanlan kundi maging sa government transactions. Magsisilbi din itong social security card, tax information card, health card at iba pang government-issued identification cards.
Sa pamamagitan din umano ng FilSys ay makakatipid ang gobyerno ng milyong piso mula sa produksyon ng ibat ibang uri ng cards dahil hindi tulad noong una sa pamamagitan ng paglalagay ng digital chips ay isang card na lamang ang gagamitin para sa lahat ng government transactions.
- Latest