Anti-terror meet ng Pinas, Indonesia, Malaysia umarangkada
MANILA, Philippines - Nagkasundo ang Pilipinas, Indonesia at Malaysia sa katatapos na trilateral security meeting kahapon na mas palalakasin pa nila ang pagtutulungan upang tuluyang masugpo ang mga pag-atake at terorismo sa Southeast Asian region.
Pinangunahan ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano ang security meeting na dinaluhan ng foreign ministers ng Malaysia na sina Retno Lestari Priansari Marsudi at Datum Seri Anifah Aman ng Indonesia, national security officials, intelligence officers at top military at police officials ng tatlong nabanggit na bansa.
Sinabi ni Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi, na mas kailangan sa ngayon ang pagtutulungan ng mga magkakalapit na bansa upang mapigil ang pagpasok ng mga terorista.
Una nang ibinunyag ng Indonesia na may 1,200 terorista ang kasalukuyang nasa Pilipinas at 40 dito ay Indonesians.
Dahil dito, nagkausap na rin sina Pangulong Rodrigo Duterte at Indonesian President Joko Widodo at nagkasundo na mas paiigtingin pa nila ang kanilang koordinasyon at pakikipagtulungan laban sa terorismo kasunod ng pagtaas ng banta ng Islamic State sa rehiyon na hinihinalang tumutulong ngayon sa Maute na nakikipagbakbakan sa tropa ng militar sa Marawi City.
Sinabi naman ni Malaysian Foreign Minister Anifah Aman na layunin ng trilateral security meeting na maharang at ma-solusyunan ang kapwa nararanasan na banta ng terorismo ng IS.
Nagpasalamat naman si Cayetano sa pagmamalasakit ng Indonesia at Malaysia sa nararanasang banta ng terorismo sa Pilipinas na naging daan sa trilateral counter-terrorism meeting at pagsusulong ng maritime patrols at intelligence monitoring sa Southeast Asia.
- Latest