CA didisiplinahin ng Kamara sa ‘Ilocos 6’
MANILA, Philippines - Didisiplinahin ng Kamara ang tatlong mahistrado ng Court of Appeals (CA) na nagpalabas ng release order laban sa anim na opisyal ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte na kasalukuyang nakadetine matapos ipa-contempt.
Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, maghahain sila ng disbarment case dahil sa gross ignorance laban kay CA Special 4th Division acting Presiding Justice Stephen Cruz, Justices Erwin Sorongon at Nina Antonino-Valenzuela dahil sa panghihimasok ng mga ito sa desisyon ng Kamara na ikulong ang Ilocos 6.
Giit ni Alvarez, “sumusobra” na ang CA, na kung tutuusin ay hindi naman co-equal branch ng Kongreso at walang hurisdiksyon sa kanila ang CA.
Basta lamang umano nanghimasok ang CA na hindi man lang tiningnan ang desisyon kamakailan ng Korte Suprema na nagpapatibay sa karapatan ng Kongreso na mag-cite for contempt sa mga testigo na hindi nagsasabi ng totoo sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon.
Marapat lang din umano na mag-isip-isip na sa ngayon ang CA hinggil sa nasabing usapin dahil kung hindi ay posible raw i-dissolve sila ng Kongreso.
Sinabi naman ni House Majority leader Rodolfo Fariñas na bukod sa disbarment ay irereklamo nila sa SC ang tatlong mahistrado para masibak sila.
Sa ngayon ayon kay Fariñas, mayroon nang 159 kongresista ang nakapirma sa nasabing reklamo sa tatlong mahistrado ng SC.
Paliwanag ng majority leader, idadaan sana sa resolution ang kanilang reklamo sa nasabing mga mahistrado subalit dahil naka-recess ang Kongreso ay liham na lang ang kanilang ipapadala sa Korte.
Ang nasabing liham ay naka-address kay SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno kung saan bukod sa disbarment case ay pinapasibak din ang tatlo, kasong administratibo dahil sa ignorance of the law sa pagpapalabas ng release order sa tinaguriang “Ilocos 6”.
Pinaalalahanan naman ng Kamara na ang CA ay natatag dahil sa kongreso at maaari din silang ipa-abolish nito.
- Latest