Hepe ng Teresa, Rizal Police sinibak!
MANILA, Philippines - Sinibak na sa puwesto kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief, Dir. Gen. Ronald “Bato’’ dela Rosa ang hepe ng Teresa, Rizal matapos na mahulihan ng P200,000 halaga ng droga ang isa nitong bagitong tauhan sa nasabing bayan nitong Miyerkules ng madaling-araw.
Ang na-relieve sa puwesto ay si Chief Insp. Richard Ganalon dahil sa isyu ng command responsibility.
Si Dela Rosa ay napasugod kahapon sa Teresa Police at sinermunan ang nasakoteng suspek na si PO1 Fernan Manimbo, 33, ng Brgy. Bravo, Gen. M. Natividad, Nueva Ecija, na nakaharap nito sa lockup jail ng nasabing himpilan. Sasampahan ang pulis ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Manimbo.
Ang suspek ay nasakote ng mga operatiba ng pulisya dakong ala-1 ng madaling araw sa Carissa 1, Brgy. Bagumbayan, Teresa, Rizal habang idine-deliver ang 20 plastic ng shabu na nagkakahalaga ng P 200,000 sa isang Jojo Paniel alyas Tisoy na nakatakas sa operasyon.
Iniutos ni Dela Rosa sa PNP Internal Affairs Service (PNP-IAS) Insp. Gen. Atty. Alfegar Triam-bulo na umpisahan na ang proseso ng summary dismissal para mapatalsik sa serbisyo si Manimbo sa loob ng isang buwan. Pinaiimbestigahan din ang posibilidad na “buhay pa” ang Amin Buratong drug syndicate. Sa kabila na nakakulong sa National Bilibid Prisons (NBP) ang drug lord na si Amin Boratong, posibleng ito ang nasa likod ng shabu tiangge sa Pasig City.
- Latest