7.2 magnitude tumama sa Mindanao
3 sugatan, mga gusali napinsala
MANILA, Philippines - Tatlo katao ang iniulat na nasugatan habang maraming gusali at pribadong istraktura ang nagtamo ng pinsala matapos yanigin ng 7.2 magnitude na lindol ang Sarangani, Davao Occidental at iba pang lugar sa Mindanao nitong Sabado ng madaling araw.
Kinilala ni Dr. Agripino Dacera Jr., Chief ng General Santos City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang mga nasugatan na sina Edilberto Corporal, 53 anyos; Beverly Dala, 16 at Leopoldo Ramolo, 56, mga residente ng bayan ng Glan na isinugod sa Glan Medicare Community Hospital para malapatan ng lunas.
Sinabi naman ni Supt. Romeo Galgo, Spokesman ng Central Mindanao Police, napinsala ang mga gusali at mga pribadong istruktura sa Sarangani na nagtamo ng mga bitak bunga ng malakas na lindol.
Kabilang dito ang gusali ng Public Ports Authority sa Glan, Sarangani kung saan bukod sa bitak ay lumubog pa ito ng tinatayang 3-6 inches mula sa original nitong puwesto, Glan Community Medicare Hospital, Municipal Police Station ng Glan, pamilihang bayan; Pepsi Marketing sa Legaspi compound sa Brgy. Calabanit, Glan kung saan gumuho ang stock pile ng softdrinks at napinsala rin ang kanilang mga delivery van at iba pa.
Sa General Santos City, napinsala ang isang lumang gusali sa kahabaan ng Santiago Boulevard habang nagtamo rin ng bahagyang pinsala ang City Hall ng lungsod partikular na ang entrance at exit dito.
“The damages were mainly on the glass doors. The rest of the structures were stable based on our initial inspection,” anang opisyal.
Ang lindol ay naramdaman rin sa iba pang bahagi ng Sarangani at maging ng South Cotabato.
Nabatid na bandang alas-4:23 ng madaling araw ng yanigin ng 7.2 magnitude na lindol ang Sarangani, Davao Occidental.
Bagaman nauna nang nagpalabas ng tsunami advisory ang Phivolcs matapos na magkaroon ng malalaking alon sa karagatan sanhi ng lindol, inihayag naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad na kinansela na ito matapos ang ilang oras.
Naitala naman ang Intensity V sa General Santos City; Koronadal City; Santa Maria, Jose Abad Santos, Don Marcelino, Balot Island, Davao Occidental; Polomolok, Tupi, South Cotabato; Alabel, Malapatan, Glan, Sarangani at maging sa Palimbang, Sultan Kudarat.
Naramdaman din ang malakas na lindol sa Davao City, Cotabato City, Zamboanga City na nasa Intensity IV; intensity III sa Cagayan de Oro City at Intensity II sa lungsod ng Kidapawan.
Nakapagtala ang Phivolcs ng 14 aftershocks hanggang kahapon ng hapon.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay Jalad ay patuloy ang assessment ng kanilang mga disaster officials sa mga lugar na sinalanta ng lindol.
- Latest