Lady Police Colonel na lover ng Abu tiklo
MANILA, Philippines - Sleeping with the enemy!
Nabuwang umano sa pag-ibig ang isang babaeng Police Colonel na nakatalaga sa Davao Region matapos mahuli sa checkpoint habang itinatakas ang nalalabi pang miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf kabilang ang driver-lover nito sa operasyon sa Clarin, Bohol noong Sabado ng gabi.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police Chief P/Director General Ronald “Bato’ dela Rosa na ito ang lumilitaw sa imbestigasyon laban kay Supt. Maria Christina Nobleza, Deputy Chief ng Police Regional Office (PRO) 11 Crime Laboratory sa Davao Region.
Bandang alas-9 ng gabi noong Sabado nang mahuli sa checkpoint si Nobleza at nobyo nitong Abu Sayyaf na si Reener Lou Dungon sa highway ng Brgy. Bacani, Clarin. Una na itong nakasagupa ng mga awtoridad sa followup operations sa lugar na ikinasawi ng apat na mga bandido na kabilang sa mga nalalabi pang wanted na tinutugis sa Bohol.
Kabilang sa mga nasawi ay si Joselito Melloria, isang Balik Islam at tubong Brgy. Napo, Inabanga, Bohol na napaslang sa bakbakan nitong Sabado habang ang tatlo pa nitong kasamahan ay nasawi naman kinagabihan ng nasabi ring araw.
“She is sleeping with the enemy,” ayon kay Dela Rosa na tiniyak na tatanggalin sa serbisyo si Nobleza kaugnay ng kasong kriminal at administratibo laban sa opisyal na ngayon ay kasalukuyang kalaboso na sa detention cell na nasasaklaw ng Police Regional Office (PRO) 7.
Nabatid pa na nang maaresto ay ikinatwiran ni Nobleza na nagto-tour lamang umano siya sa Bohol pero nabisto ng mga awtoridad ang relasyon nito kay Dungon base sa palitan ng text messages sa narekober na cellphone sa opisyal.
Kabilang dito ay ang paghingi ng tulong ni Dungon sa kaniyang ‘my love’ na si Nobleza na i-rescue o iligtas ang kaniyang grupo sa opensiba ng security forces laban sa nalalabi pang Abu Sayyaf sa Bohol na pinatungan sa ulo ng tig-P1 milyong reward ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay dela Rosa, itinuturing nang isang ‘high risk detainee’ si Nobleza na patuloy na sumasailalim sa masusing imbestigasyon matapos masakote nang tangkain umiwas sa checkpoint. Itinurnover naman sa kustodya ng DSWD ang 13 anyos na batang kasama ng mga ito sa loob ng itim na Nissan Navara pickup habang iniimbestigahan naman ang matandang babae na kasama ng mga ito sa behikulo na biyenan ng mga lider ng Abu Sayyaf.
- Latest