‘No relocation, no demolition’
Tiniyak ng Malacañang
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Malacañang na walang mangyayaring demolisyon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte kung walang relokasyon.
Sinabi ni Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) chairman Terry Ridon na titiyakin muna na may malilipatan ang mga informal settlers bago gibain ang kanilang mga tahanan.
“So, under the leadership of the President, he has made it clear that there will be no demolitions without relocation. So even if we speak about big-ticket infrastructure projects, I think part of the spending will most definitely be made towards relocation of many of the affected informal settler families,” pahayag ni Ridon.
Binanggit naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na si Ridon ang inatasan ni Pangulong Duterte na ipatupad ang direktiba nito na ‘no demolition without relocation’.
Bilang reaksiyon sa nangyaring hearing sa Senado tungkol sa ginawang pag-okupa ng mga miyembro ng Kadamay sa Pandi, Bulacan, sinabi ni Ridon na suportado nila ang pahayag ng Pangulo na magkakaroon ng bagong housing program para sa mga uniformed personnel na naapektuhan ng insidente.
Dagdag ni Ridon, na ang insidente sa Bulacan ay naging dahilan para itulak ng administrasyon ang on-site o city resettlement bilang pangunahing solusyon sa mga naapektuhang pamilya ng informal settlers.
Idinagdag ni Ridon na titiyakin na may “full services”, utilities at livelihood sa mga paglilipatan ng informal settlers.
- Latest