108,000 nakiisa sa earthquake drill
MANILA, Philippines - Umaabot sa 108,000 katao ang nakiisa sa Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) 2017 ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na isinagawa sa ilang mga piling lugar sa buong bansa.
Sinabi ni NDRRMC spokeswoman Mina Marasigan, bandang alas-2 ng hapon ng pasimulan ni NDRRMC Executive Director Undersecretary Ricardo Jalad, Department of Science and Technology (DoST) at Climate Change Undersecretary Renato Solidum kasama si Cebu Board member Miguel Magpale ang ceremonial pressing of the button bilang tanda ng pagsisimula ng earthquake drill.
Ang nasabing drill ay kauna-unahan sa taong 2017 na may temang “Bida ang Handa campaign” upang ipabatid sa kaalaman ng publiko na mas mabuti ang nakahanda sa pagtama ng 7.0 magnitude ng lindol.
Ang Cebu City naman ang naging ‘pilot test’ ng 7.0 magnitude ng lindol kung saan mahigit sa 100 kinatawan ng lokal na pamahalaan at kanilang mga empleyado, responders, media partners at mga pribadong indibidwal ang nakiisa sa duck, cover and hold sa posibleng senaryo ng pagtama ng malakas na lindol sa lungsod.
Kabilang pa sa pinagdausan ng drill ang Brgy. Victoria at Brgy. Salugan, Currimao, Ilocos Norte sa Region 1; Cagayan State University –Andrews campus sa Region II; Peninsula State University, Balanga City, Bataan sa Region III; Cabuyao City, Laguna sa CALABARZON, San Agustin sa Romblon, ilang lugar sa Metro Manila kabilang ang Camp Crame at Camp Aguinaldo at iba pa.
- Latest