‘Universal access to college education’ bill ok na sa Kamara
MANILA, Philippines - Inaprubahan na ng House Committee on Higher and Technical Education kamalailan ang panukalang “Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017” na magbibigay ng libreng pag-aaral sa mga pamantasan at kolehiyo sa bansa pampubliko o pribado man.
Pinagsanib sa naturang panukalang batas ang orihinal na House Bill 2771 ni Albay Rep. Joey S. Salceda, at katulad nitong mga panukala nina Reps. Dakila Carlo Cua ng Quirino, Carlo Alexei Nograles ng Davao City at partylist Reps. Antonio Tinio ng ACT at Sarah Jane Elago ng KABATAAN, ngunit ang titulo at mahahalagang probisyon nito ay hango sa HB 2771 ni Salceda.
Layunin ng bill na pondohan ng buo ang mga state universities and colleges (SUCs) sa pamamagitan ng P38 bilyong badyet bukod sa karagdagang P21.6 bilyon para sa iba pang gastusin.
Nakapaloob sa pinagsanib na panukalang batas ang mga mekanismo para mapataas ang participation rate sa tertiary education sa lahat ng pamantasan; bigyan ng prayoridad ang matatalinong kabataan mula sa mahihirap na pamilya, at kilalanin ang magkatuwang na papel na ginagampanan ng mga paaralang ari ng pamahalaan o pribado man sa tertiary educational system ng bansa.
Kasama ring tampok ng naturang panukalang batas ang National Student Loan Program (NSLP) na may alokasyong P15 bilyon na pasimulang babayaran lamang ng mga umutang na mag-aaral kapag may trabaho na sila at kumikita ng sapat. Ang bayad dito ay gagawing bahagi ay porsiyento ng kanilang babayaran sa SSS o GSIS.
- Latest