6 taong kulong sa dating hepe ng Children’s Hospital -QC Court
MANILA, Philippines - Hinatulan ng QC Regional Trial Court na makulong ng anim na taon ang dating opisyal ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) matapos mapatunayang guilty sa kasong paglabag sa Section 3(d) of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019) na may kinalaman sa illegal na pagtatalaga ng kapatid sa trabaho.
Sa pinalabas na desisyon ni QC RTC branch 88 Presiding Judge Rosanna Fe Romero-Maglaya, napatunayang nagkasala si Monica Tierra, dating hepe ng General Services Division (GSD) ng PCMC nang i-hire ang kanyang kapatid na si Rosalinda Alvaro, bilang empleyado ng Philcare Manpower Services.
Sa record, ang PhilCare, isang private janitorial service provider ay may kasalukuyang kontrata sa naturang ospital at nasa ilalim ng pangangasiwa ng akusado.
Si Tierra ang nagrekomenda sa Philcare na mabigyan ng trabaho dito ang kanyang kapatid.
“The accused miserably failed to adduce a credible story of non-culpability. Her alleged lack of knowledge of her sister’s employment with Philcare, a private enterprise under her supervision by reason of her position, is difficult to believe and cannot exonerate her from liability under the law” nakasaad sa resolusyon ng korte. Bunga nito, si Tierra ay inalisan ng retirement benefits at hindi na pinapayagang makapagtrabaho sa alinmang tanggapan ng gobyerno.
Sa ilalim ng Section 3(d) of R.A. No. 3019, pinagbabawalan nito ang mga public officers na tumanggap o maglagay ng sinumang miyembro ng pamilya sa isang private enterprise na may kinalaman sa kanyang posisyon.
- Latest