Paris Agreement pinagtibay na ng Senado
MANILA, Philippines - Pinagtibay na kahapon ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Paris Agreement on Climate Change.
Dalawampu’t dalawang (22) senador ang bumoto pabor sa kasunduan na nauna ng nilagdaan ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Sen. Loren Legarda, chair ng Senate Committee on Climate Change, mahalaga ang nasabing agreement na naglalayong mabawasan ang greenhouse gases para mapababa ang tumataas na temperatura ng mundo.
Pinasalamatan ni Legarda ang mga kasamahang senador na bumoto ng pabor sa Paris Agreement.
Makakatulong aniya ito sa mga delikadong bansa katulad ng Pilipinas.
Ayon pa kay Legarda, dahil kasama ang bansa sa sumuporta sa Paris Agreement, magkakaroon ng access ang Pilipinas sa mga international climate finance mechanisms at makakakuha rin ng suporta mula sa mga mauunlad na bansa.
Ipinaliwanag pa ni Legarda na ang international funds na makukuha ng Pilipinas ay maaring magamit sa pagbili ng mga early warning systems at mga proyekto para mapaghandaan ang mga problemang idudulot ng climate change.
- Latest