Tax reform bill mahihirapan sa Kamara
MANILA, Philippines - Hindi katulad ng panukalang death penalty bill na naipasa kaagad sa Kamara, aminado si House Committee on Ways and Means chairman Dakila Carlo Cua, na mahihirapan silang maipasa ang panukalang Comprehensive Tax Reform Package.
Sa panayam kay Cua sa dzBB, sinabi niya na mas kumplikado ang tax reform o House Bill 4774 kaysa sa oposisyon nila sa death penalty bill.
“Nakikita ko na mabigat ang tax reform package. Hindi ko lang siyempre mahulaan kung gaano kabigat. Kung kasing bigat o mas mabigat pa ba to sa death penalty,” dagdag ni Cua.
Paliwanag pa ng kongresista hindi tulad ng death penalty na iisa lang ang isyung pinag-uusapan at pinagdedesisyunan, ang HB 4774 ay maraming pinag-iisipan, malaki at maliit na isyu dahil marami itong package.
Bagamat hindi hihingin, ipinapaubaya naman ng kongresista kay Speaker Pantaleon Alvarez, kung nais niya na gawin ang polisiya na ipinatupad nito sa death penalty bill.
Pipilitin naman ni Cua sa abot ng kanilang makakaya na mipasa ang panukala sa panel level sa Martes kung saan pangunahing layunin nito ay ma-exempt ang mga kumikita ng P250,000 mula sa income tax rate.
Subalit sa ilalim ng panukala ay ang pagpapatupad ng excise tax sa fuel bilang compensatory measure para sa mawawalang kita dahil sa pagbaba ng income tax.
- Latest