Hapilon bagong ISIS leader sa PH
MANILA, Philippines - Ibinunyag kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Abu Sayyaf Group leader na si Isnilon Hapilon ay ginawang ‘top honcho’ ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Pilipinas.
“As you know the greatest danger that mankind is facing is extremism. It’s a mass insanity and Hapilon was already given blessing to be the leader of the ISIS. He is now the top honcho of the ISIS dito,” dagdag pa ni Duterte sa media conference nito kahapon ng madaling araw sa Malacanang.
Iniulat ng AFP na kabilang si Hapilon sa nasugatan sa ginawang military artillery sa suspected hideouts nito sa Butig, Lanao Del Sur.
Nag-aalala si Pangulong Duterte dahil sa bantang ito ng extremists sa Pilipinas lalo’t kinilala ng ISIS na kanilang lider dito ang ASG leader na si Hapilon.
“Takot ako sa kanila because historically they use bomb -- IED -- they did it several times in my city,” wika pa ng Pangulo lalo’t 14 katao ang nasawi sa pambobomba noong Setyembre sa Davao City.
Samantala, iginiit nito na hindi niya nakikita ang pangangailangan para magdeklara ng martial law sa gitna ng sitwasyon sa Mindanao at ilalagay lamang niya ang bansa sa ilalim ng military rule kung ang tao mismo ang hihingi nito.
“Kung kayo na maghingi, sabihin ko mag-iisip muna ako. But when the time comes na tao na ang maghingi, ibibigay ko,” wika pa ni Pangulong Duterte sa ipinatawag nitong press conference kahapon ng madaling araw sa Malacanang.
Wika pa ng Pangulo, hindi kailangan na magdeklara ng martial law sa ngayon, dahil kayang-kaya ng mga law enforcement agencies na gawin ang kanilang trabaho kahit walang military rule.
“Tutal nakakagalaw naman sila, they’re doing their duty,” dagdag pa ng Pangulo sa biglaang press conference nito kahapon ng madaling araw.
- Latest