Misis ni Sta. Isabel ‘di imbitado sa Senate hearing
MANILA, Philippines - Hindi pinagbigyan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang kahilingan ng asawa ni SPO3 Ricky Sta. Isabel, ang pulis na sangkot sa pagpatay sa negosyanteng Koreano na diumano’y biktima ng “tokhang for ransom,” na maging resource person sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs sa Huwebes.
Ayon kay Lacson, nagboluntaryo pa ang asawa ni Sta. Isabel na si Jinky na humarap sa hearing pero hindi ito kinagat ng komite dahil na rin sa dami nitong sinasabi kasama na ang paninira sa Philippine National Police.
Sabi ni Lacson na base sa kanyang assessment, may “tendency” ang asawa ni Sta. Isabel na guluhin ang istorya ng pagpatay sa negosyanteng si Jee Ick Joo dahil na rin sa sinasabi nitong audio recording na labag namang nakuha o hindi naayon sa Anti-Wire tapping Act.
Kasama sa inimbitahan ng komite ni Lacson si PNP chief Ronald “Bato” dela Rosa at Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
Nagboluntaryo ring dumalo sa pagdinig ang asawa ng pinatay na Koreano at abogado nito.
- Latest