Sta. Isabel, misis nagsumite ng ‘proof of innocence’ – DOJ
MANILA, Philippines - Inihayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na nagsumite na ng ‘proof of innocence’ si SPO3 Ricky Sta. Isabel at asawa nito sa National Bureau of Investigation (NBI) upang patunayan na wala siyang kinalaman sa pagdukot at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo.
Ayon kay Aguirre, sinabi ni Sta. Isabel sa salaysay na isinumite nito sa NBI, na sila raw ay piniframe-up lamang ng ilang matataas at maimpluwensiyang opisyal at walang kinalaman sa pagpatay kay Jee.
Pinabubulaanan din ng affidavit na nasa Angeles City, Pampanga si Sta. Isabel nang mangyari ang kidnapping noong Oktubre 18, 2016 dahil nasa meeting siya (Sta. Isabel) kasama si Supt. Raphael Dumlao, team leader ng PNP Anti-Illegal Drugs Group.
Sa katunayan aniya, sinabi ni Sta. Isabel sa affidavit na inutusan pa raw siya ni Dumlao na samahan ang anak nito na pumunta sa isang bookstore.
Mayroon aniyang dokumento si Sta. Isabel na nagpapatunay ukol dito.
Bukod dito, sinabi rin ni Aguirre na ang asawa ni Sta. Isabel na si Jinky ay may pinakita rin daw na mga pruweba na nagpapatotoo sa sinasabi ng asawa nito.
Halimbawa na lamang daw dito ay ang litratong kuha mula sa CCTV footage na nagpapakita na ang ginamit na Toyota Hilux sa surveillance at kidnapping kay Jee ay hindi talaga kanilang sasakyan.
Ayon kay Jinky, ang kanyang Hilux ay may carrier at conduction sticker habang ang sasakyan na ginamit naman daw sa krimen ay wala nito.
- Latest