Prutas ng Davao ipinatikim kay Abe
MANILA, Philippines - Ipinatikim kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang ipinagmamalaking prutas ng Davao City.
Hinainan ng suha, durian, marang, mangostene si PM Abe at kanyang First Lady na si Akie Abe sa garden ng Waterfront Insular Hotel matapos nitong pangalanan ng ‘Sakura” ang inampon nilang Philippine eagle na nasa pangangalaga ng Philippine Eagle Foundation sa Davao.
Nag-enjoy naman si PM Abe sa pagkain nito ng durian, marang at suha.
Nauna rito ay nag-almusal ang bumibisitang Prime Minister sa mismong tahanan ni Pangulong Duterte kung saan ang menu na inihain ay kutsinta, biko, suman at mongo soup.
Tumagal ng 45 minuto si Abe sa bahay ni Duterte kung saan ay ipinakita pa ng Pangulo ang kanyang mismong kwarto na naroroon pa ang kanyang ginagamit na lumang kulambo.
Sa Waterfront Insular Hotel ginanap naman ang Phl-Japan business forum habang ang maybahay ni PM Abe kasama ang common-law wife ni Duterte na si Honeylet Avancena ay dumalaw naman sa Japanese cemetery.
Umalis na rin kahapon bandang alas-12:20 ng tanghali si PM Abe at kanyang delegasyon sa Davao City lulan ng Japan Airforce 001 patungong Indonesia para sa kanyang Asian tour kung saan ang huling destinasyon nito ay Vietnam.
- Latest