Charter Flights sa Spratlys sinimulan ng China
MANILA, Philippines - Nagsimula na umano ang operasyon ng mga civilian charter flights ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa Spratly islands sa South China Sea o West Philippine Sea.
Sa report ng state news agency Xinhua, isinakatuparan ng Beijing ang kanilang unang flight kamakalawa mula Haikou, nasa katimugang bahagi ng isla ng Hainan patungong Woody City na inaangkin ng China sa South China Sea.
Ang nasabing biyahe ay patatakbuhin umano kada araw at ang halaga ng one way ticket ay $172.77 o 1,200 yuan matapos na aprubahan ng Beijing ang operasyon ng naturang paliparan, isang joint-civilian military facility.
Inaangkin ng China ang halos buong South China Sea kung saan tinamaan pa nito ang 200 nautical miles ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas kabilang na ang mga isla sa Spratlys at maging ibang bansang Brunei, Vietnam, Malaysia at Taiwan na claimants sa lugar.
Base sa report, ang flight ay aalis sa Haikou airport ng alas-8:45 ng umaga at babalik mula Woody island ng ala-1 ng hapon.
Magugunita na nitong Abril ay unang nagsagawa ng dalawang test flights ang China sa kanilang itinayong airfields sa Mischief reef at Subic reef sa Spratly islands bilang bahagi ng kanilang reclamation program na mariing kinondena ng Pilipinas at international community dahil sa tahasang pagkokontrol sa South China Sea. Umalma rin ang Estados Unidos dahil sa posibleng idinudulot na paglabag ng China sa freedom of navigation o international law.
- Latest