Digong papasok sa kuta ng Abu Sayyaf
MANILA, Philippines – Nakahanda umanong pasukin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Muslim communities kung saan nagkukuta ang Abu Sayyaf Group at Maute group upang tulungan ang gobyerno sa paglaban sa mga terror groups.
“They should lay down their arms at makikipag-usap ang pangulo sa mga Muslim. Alam mo yang Maute at Abu Sayyaf, merong mga kamag-anak yan tapos merong mga taong influential sa kanila... kaya humihingi yung pangulo ng tulong sa mga Muslim na tumulong sa gobyerno para matigil na. Kung hindi kayo tutulong sa gobyerno, mahihirapan tayo,” ayon kay Pres’l Communications Officer Sec. Martin Andanar sa DZBB.
Magugunita na sinabi ni Pangulong Duterte kamakailan na hindi pa siya makikipag-usap sa Maute group kasunod ng ginawa nitong pag-atake sa Butig, Lanao del Sur.
“Kailangan magtulungan tayo para matapos na yung terorismo dito sa atin. May terorista na nasa barangay dyan, kung wala sa barangay nasa purok yan at tanungin mo yung mga kababayan dyan alam nila kung sino-sino yung mga terorista,” paliwanag pa ni Andanar.
Nakikiusap ang gobyerno sa mga komunidad na tumulong sa pamahalaan upang matukoy ang pinagtataguan ng mga terorista.
Ayon naman kay AFP public affairs Chief Col. Edgard Arevalo, importante ang kontribusyon ng mga sibilyan upang hindi na maulit ang pangyayari, dahil sila ang mas nakakakilala sa mga tao na hindi normal na naroon sa kanilang lugar kung kaya sila anya ang may kapabilidad na magreport lalo na at komunidad ito at tanging sila lang ang may alam.
Kaya giit ni Arevalo, bagama’t namo-monitor din ng kanilang tropa ang mga ito, mas mabuti na makukuha nila ang kooperasyon ng kooperasyon ng mga mismong naninirahan doon.
Samantala, hindi pa rin anya pinababalik ang ilang residente sa kanilang mga tahanan dahil sa patuloy pa rin ang clearing operation sa mga hindi sumabog na bomba, mga booby traps, landmines na maaring nailagay ng mga rebelde.
- Latest