NASA 150 pamilya na nakatira sa mga ‘Danger Zones’ ang nakalipat na sa P1.2 bilyong “In-City Relocation Village” sa Valenzuela City
MANILA, Philippines – Nabatid na nasa 74 informal settler families (ISFs) mula sa Daffodil St. sa Brgy. Malinta at Palanas St. sa Brgy. Rincon ang lumipat na sa kani-kanilang mga units sa tinaguriang “Disiplina Village” sa Brgy. Bignay sa naturang lungsod.
Nitong Nobyembre 21, unang nagsilipat sa nabanggit na village ang nasa 76 pamilya na buhat naman sa Gismara, Dulong Marcos, at Dulong Carnation sa Brgy. Malinta.
Ayon kay City Housing and Resettlement Office head, Elenita Reyes, target nila na mailipat ang nasa 864 ISFs bago sumapit ang Disyembre 12 ngayong taon upang sa bago nilang mga tahanan na magselebra ng Pasko ang mga pamilyang benepisaryo.
Nabatid na ang ‘Disiplina Village’ ang itinuturing ngayon na pinakamalaking “in-city relocation project” sa buong Pilipinas na kayang maglaman ng nasa 3,852 pamilya na ililikas buhat sa mga danger zones kabilang ang mga naninirahan sa gilid ng Tullahan river, ibang daluyan ng tubig at mga lugar na mapanganib na tirhan ng tao.
Aabot sa P1.2 bilyon ang pondong inilaan ng National Housing Authority (NHA) sa programa habang nasa 11.6 ektaryang lupain naman ang iniambag ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela para pagtayuan ng proyekto.
Sinabi ni Mayor Rex Gatchalian na target nila ng NHA na walang matirang ISFs sa lungsod at maging model ng “in-city relocation community” ang ‘Disiplina Village’ na kumpleto ng lahat ng pangangailangan ng mga pamilya.
- Latest