Pinoy makakapangisdang muli sa Panatag
‘Ilang araw na lang’ - Duterte
MANILA, Philippines – Inihayag kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na malapit nang makapangisda ang mga Filipino sa pinagtatalunang Scarborough Shoal (Panatag Shoal) sa West Philippine Sea.
Ito ang ibinalita ng Pangulo nang dumalaw siya sa Tuguegarao, Cagayan Valley kahapon para mamahagi ng tulong sa mga residenteng hinagupit ng bagyong Lawin.
“We wait a few more days at baka makabalik na tayo sa Scarborough Shoal, ang pangingisda ng ating mga kababayan,” sabi ng Pangulo.
Magugunita na nagkausap sina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping sa 4-day state visit ng una sa China noong Oktubre 18-21.
Iginiit ni Duterte na hindi niya isinusuko ang naging desisyon ng arbitration court sa Panatag Shoal pero hindi dapat daanin ito sa takutan o panggigipit bagkus ay dapat sa pamamagitan ng pakikipag-usap.
“Ang pagkaalam ko pinaalis na rin niya (Xi) iyong mga Chinese na fishermen para wala nang makita diyan. Iyon ang pinag-usapan namin,” sabi pa ni Duterte.
Inatasan niya ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na ayudahan ang mga biktima ng bagyong Lawin sa Cagayan.
Dinalaw din ni Duterte ang lalawigan ng Isabela na lubhang napuruhan din ni super typhoon Lawin.
“Ang China ang sabi nila amin ‘yan. Sabi ko amin man din ‘yan,” wika pa ni Pangulong Duterte. “Ako na mismo ang nagsabi kung makabalik tayo sa Scarborough, bilang may-ari, sila rin naman nagsabi na [sila ang] may-ari, ako na mismo magsabi na huwag kayong mangisda diyan (inner lagoon),” giit pa ni Duterte.
Ipinagmalaki din ng Pangulo na naging matagumpay ang kanyang biyahe sa China kung saan ay aabot sa $24 bilyon na soft loans at investment ang nakuha ng bansa.
Sinabi ng Pangulo na maaaring sa mga darating na araw ay muling manunumbalik ang dating sitwasyon sa Scarborough kung saan malayang nakakapangisda ang mga Pinoy kasunod ng pagbisita ng Pangulo sa China.
“Wala po kaming pinag-usapang armas, wala kaming pinag-usapang giyera giyera. Pinag-usapan namin paano tayo magtutulungan. We will just wait for a few more days, baka makabalik na tayo doon sa Scarborough shoal, sa pangingisda ng ating mga kababayan,” anang Pangulong Duterte.
Una nang sinabi ng Pangulo na isa sa mga isyu na kanilang pinag-usapan ng Chinese authorities ay ang isyu sa Scarborough Shoal subalit ipinauubaya na niya sa China ang susunod na mga hakbang na kanilang gagawin patungkol sa mga mangingisdang Pinoy.
Magugunita na tahasang inihayag ng Pangulo na hindi “mananalo” ang Pilipinas kung makikipaggiyera ito sa China dahil sa pag-aagawan ng teritoryo sa kabila ng pagka-panalo ng Pilipinas sa kaso nito sa arbitral tribunal sa The Hague. Sa kabila nito, iginiit ng Pangulo na palalakasin ang pakikipag-alyansa ng Pilipinas sa nasabing bansa.
- Latest