Halos P3-B sa agrikultura, napinsala ni ‘Karen’
MANILA, Philippines - Umaabot na sa halos P3 bilyon ang pinsalang iniwan ng bagyong Karen sa Central Luzon, Southern Tagalog at Cordillera Administrative Region (CAR), ayon sa ulat ng mga opisyal kahapon.
Sa report ng Office of Civil Defense (OCD) Central Luzon Director Josefina Timoteo, nasa P 2.1 bilyon ang iniwang pinsala ng bagyong Karen sa Central Luzon habang 39 pang barangay ang lubog sa baha.
Ayon kay Timoteo kabilang sa P2,141,402,135 bilyong napinsala sa agrikultura ay mula sa mga lalawigan ng Aurora, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija at Tarlac.
Naitala naman sa 39 barangay sa mga apektadong lalawigan ang lubog pa rin sa baha na nakaapekto sa 17,157 pamilya o 80,458 katao ang naapektuhan. Sa nasabing bilang ay nasa 5,140 o kabuuang 20, 192 katao ang nanatili pa rin sa mga evacuation centers.
Samantalang nasa 3,864 namang mga kabahayan ang nawasak at nagtamo ng pinsala sa hagupit ni ‘Karen’.
Pinakagrabe namang naapektuhan ng bagyo sa Central Luzon ay ang lalawigan ng Aurora kung saan nasira ang mga pangunahing kalsada at marami ang hindi pa rin madaanan ng lahat ng uri ng mga behikulo. Nasa sampung kalsada naman sa Nueva Ecija at limang tulay sa mga lalawigan ng Bulacan, Nueva Ecija ang sarado sa trapiko.
Iniulat naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mina Marasigan, naitala sa P572,840,531.31 milyon ang pinsala ng bagyo sa agrikultura sa Region V at CAR.
Naitala naman sa 8,123 pamilya o kabuuang 39,934 katao ang isinailalim sa pre-emptive evacuation sa Regions I, II, III, CALABARZON at Region V.
Samantalang nasa 11,929 pamilya o 52,270 katao ang naapektuhan ng bagyo sa Regions I, II, III, CALABARZON, V at CAR kung saan nasa 5, 444 pamilya o 24,693 katao ang nanatili pa rin sa mga evacuation centers.
Nabatid pa na apektado rin ang supply ng kuryente at mahina o pawalawala ang signal ng komunikasyon sa mga lugar na grabeng hinagupit ng bagyong Karen kabilang sa lalawigan ng Aurora at Nueva Ecija.
Patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods at isinasagawang clearing operations sa mga lugar na naapektuhan ng pananalasa ng kalamidad.
- Latest