Duterte pina-ambush umano si De Lima
MANILA, Philippines — Matapos idawit si dating Davao City Mayor at ngayo’y Pangulong Rodrigo Duterte na nasa likod ng Davao death squad (DDS), isiniwalat din ng umano’y miyembro ng grupo na pinlano rin nilang i-ambush si Sen. Leila de Lima noon.
Sinabi ni Edgar Matobato na iniutos ni Duterte na i-ambush si De Lima noong 2009 sa kasagsagan ng imbestigasyon ng Department of Justice sa extrajudicial killings sa Davao City.
"Dumisisyon sila ma'am, na aambushin ka namin doon," wika ni Matobato kay De Lima na dating pinuno ng Commission on Human Rights at kalihim ng DOJ.
BASAHIN: Umano'y miyembro ng Davao death squad idinawit si Duterte
Aniya nakahanda na nilang atakihin si De Lima at ang kaniyang mga kasamahan nang bisitahin ng ngayo’y senador ang umano’y mass grave sa Laud Quarry.
"Kinausap man doon kami sa opisina, ma'am. Pumunta kami doon, pero hindi ka na pumasok sa itaas, ma'am. Doon lang kayo sa entrada pumasok. Doon kami nagaabang na," sabi ni Matobato.
"Buti na lang, umalis kayo,” dagdag niya.
Sa naunang pahayag ni Matobato ay sinabi niyang si Duterte ang nag-uutos sa kanila ng pagpatay ng mga umano’y kriminal.
Ipinabomba rin umano sa kanila ni Duterte ang isang mosque bilang pagganti sa pagpapasabog sa cathedral sa Davao City.
“Gusto kong mabigyan ng katarungan' yung nagawa kong mga kasalanan ng pumatay ako ng mga tao. Matagal na din… para malaman ng taong bayan ang ginawa namin sa Davao City,” sabi ni Matobato nang humarap sa pagdinig ng Senado ngayong Huwebes.
“Ang trabaho namin ay pumapatay ng kriminal katulad ng drug pusher, rapist, snatcher. Ganyan ang pinapatay namin araw araw,” dagdag niya.
- Latest