Umano'y miyembro ng Davao death squad idinawit si Duterte
MANILA, Philippines – Isang miyembro umano ng Davao death squad (DDS) ang nagdawit kay Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pagpatay ng pinaghihinalaang kriminal sa lungsod ng Davao.
Sinabi ng nagpakilalang miyembro ng DDS na si Edgar Matobato na tumatanggap sila ng utos mula kay Duterte na naging alkalde ng Davao City ng dalawang dekada.
“Gusto kong mabigyan ng katarungan' yung nagawa kong mga kasalanan ng pumatay ako ng mga tao. Matagal na din… para malaman ng taong bayan ang ginawa namin sa Davao City,” pahayag ni Matobato nang humarap sa pagdinig ng Senado ngayong Huwebes.
Nagsimula umano si Matobato bilang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit bago kinuha ni Duterte upang buuin ang DDS na may pitong miyembro nang magsimula.
Aniya isang SPO4 Arthur Lascañas ang tumayong team leader nila kung saan "Lambada Boys" pa ang kanilang unang naging pangalan.
Kuwento pa niya na sa paglipas ng panahon ay nadagdagan pa sila ng mga miyembro na pawang mga rebel returnees.
“Ang trabaho namin ay pumapatay ng kriminal katulad ng drug pusher, rapist, snatcher. Ganyan ang pinapatay namin araw araw,” wika ni Matobato.
Isiniwalat pa niya na noong 1993 ay iniutos ni Duterte ang pambobomba sa isang mosque sa Davao City bilang pagganti sa pambobomba naman sa isang cathedral.
“Umakyat siya (Duterte) sa opisina namin, kinausap si Major Jacendista (alleged member of the DDS) na masakerin 'yung mga mosque... simbahan. Kasi parang gumaganti siya na binombohan na ang cathedral. Para naman po kaming terrorist, ma’am. ‘Di naman kasali 'yung bobombahin namin yung mga mosque,” kuwento ng umano'y miyembro ng DDS.
Bukod sa pananambang at pambobomba ay ipinadukot din umano ni Duterte ang isanh pinaghihinalaang teroristang si Salim Makdhum sa Samal Island.
Matapos dukutin ay pinatay si Makdhum na chinop-chop pa umano bago inilibing sa Laud Quarry.
Aniya alam ito lahat ng ngayo'y Philippine National Police chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na noo'y hepe ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force.
Dagdag ni Matobato ay dinala pa si Makdhum sa tanggapan ni Dela Rosa bago siya patayin.
Patuloy ang imbestigasyon ng Senado sa pangunguna ni Sen. Leila de Lima sa paglabag umano sa karapatang pantao at extrajudicial killings.
- Latest